Muling tinuligsa ng kampo ng mga tumututol sa paghahati ng Palawan ang pagpupumilit ng Pamahalaang Panlalawigan na matuloy na ang plebesito sa gitna ng pandemya.
“Sila’y nagmamadali talaga na magawa na ‘yong plebesito, kung baga, atat na ata [sila]—that’s the word [that may be best describe their efforts]. Totoo naman ‘yon, sila naman nagsasabi na sila ang nag-e-effort, sila naman ang nagsasabi na ang pagkilos nila,…na pinuntahan ng Gobernador [ang pinuno ng IATF] para kausapin tungkol doon at pumayag nga na first quarter of 2021 [ay magkaroon na ng plebesito],” pahayag ni Cynthia Sumagaysay-del Rosario, lead convenor ng One Palawan Movement, sa isang phone interview.
Agam-agam ni del Rosario, marami pang ipinatutupad na restrictions dahil sa tumataas pa ring bilang ng kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan sa lalawigan ngunit ninanais pa rin ng mga proponente na matuloy ang botohan ukol sa paghahati ng Palawan.
“Yong pag-iingat ngayon ay taliwas sa gagawing plebesito,” aniya.
Matatandaang sa inilabas na health and safety protocol ng IATF-EID nakaraang Oct. 8 ay pinayagan na lumabas upang bomoto ang mga registered voter na nasa pagitan ng 18 at 21 taong gulang, ang mga nasa 60 pataas, may mga karamdaman at mga buntis. Kalakip din dito ang pag-atas sa Comelec na kumatha ng mga kapamaraan at mekanismo upang maging ang mga COVID-19 patient ay makalahok pa rin sa nakatakdang botohan.
Dahil sa development, ay hinihintay na lamang ng grupo ang desisyon ng Comelec upang makita ang mga partikular na gagawin sa plebesito na nakatakda sa unang kwarter ng susunod na taon.
“Sumulat kami [dati] to postpone sana [the plebescite] indefinitely kasi parang two sets na ata kami sumulat, including Malacañang, kaso ang pinaka-reply nga sa amin ng Comelec is iaakyat nila sa IATF at naka-depend sa IATF kung ano ang sasabihin nila. And since may ganitong inilabas ang IATF, most likely, baka ia-adopt din ito ng Comelec,” ani del Rosario.
Sa kabila nito, nilinaw naman niyang nakahanda silang sumunod sa magiging direktiba ng Komisyon.
“Susundin natin kung ano ‘yong ilalabas sa Comelec kasi hinihintay ng aming grupo ‘yong pinaka-formal memo or ‘yong pinaka-order ng Comelec. Usually, kung mauulit dati…, mayroon silang ilalabas uli na Calendar of Activities, last time one month ‘yon—doon nakasaad ang mga aktibidades, ‘yong plebiscite campaign; so, ‘yon ang susundin namin,” aniya.
Sakalimang matuloy na ang plebesito, mensahe ng lead convenor ng One Palawan Movement sa kanilang mga tagasuporta na manindigan at ilabas ang kanilang mga sama ng loob.
“Ito na ‘yong pagkakataon na sila ang magdedesiyon para sa kinabukasan ng bayan. ‘Yong mga naobserbahan nila noong nakaraang mga lockdown, ‘yong mga injustices na naobserbahan nila sa systema ay pwede nilang ilabas sa plebesito,” tagubilin pa ni del Rosario.
Discussion about this post