Isinulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang pagtatayo ng Balay Silangan para sa rehabilitasyon ng mga drug surrenderees bilang bahagi ng programang Community Enhancement and Livelihood Program (CELP) upang matulungan ang mga drug surrenderees na makapanumbalik sa kanilang normal na buhay at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
Sa ipinalabas na pahayag, sinabi ng Pamahalaang Panlalawigan na isinulong at iminumunglahi ang pagkakaroon ng Balay Silangan sa bawat bayan bilang bahagi ng pagpapa-igting ng mga programa sa pagsugpo ng ilegal na droga sa mga komunidad, lalong-lalo na sa 23 bayan sakop ng Palawan.
Ito ang naging sentro ng talakayan sa ginanap na pagpupulong ng Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) sa pangunguna ni Christopher C. Magbanua, PADAP Program Manager, noong ika-11 ng Setyembre sa VJR Hall sa gusaling kapitolyo.
Kabilang sa mga dumalo ang mga Law Enforcement Agencies na kinabibilangan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Palawan Police Provincial Office (PPPO) at mga alkalde ng iba’t-ibang bayan sa pangunguna ni LMP President Mayor Amy R. Alvarez ng bayan ng San Vicente, na siyang nagsilbi bilang presiding officer sa pulong.
Mas nabigyan rin ng mas mabigat na responsibilidad ang bawat bayan kaugnay sa kanilang papel upang mas palakasin pa ang kampanya kontra druga sa kanilang bawat komunidad.
Dagdag pa sa pahayag ng Pamahalaang Panlalawigan, na ang isang circular na nagmula sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagmamando sa bawat local government units na mas paigtingin pa ang kanilang programang kontra druga at palakasin ang kani-kanilang Municipal Anti-Drug Abuse Councils (MADAC)
“Naging pokus ng talakayan ang DDB-DILG Joint Memorandum Circular No. 2018-01 na kung saan ito ay nagbibigay ng mandato sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kapabilidad ng MADACs sa bawat bayan at barangay. Nilalaman ng sirkular na obligado ang bawat lokal na pamahalaan na magsumite ng kanilang mga report ng kanilang mga programa sa Provincial Anti-Drug Abuse Council na siya namang isusumite ng huli sa national offices ng DILG at DDB,” ayon sa pahayag ng Pamahalaang Panlalawigan.
“Ang pagkakaroon ng mga Balai Silangan na tutulong sa mga drug surenderees sa kanilang rehabilitasyon upang makabalik sa kanilang normal na buhay at maging kapaki-pakinabang na muli sa komunidad. Magiging katuwang ang lokal na programa ng Pamahalaang Panlalawigan na Community Enhancement and Livelihood Program (CELP) sa inisyatibo ni Governor Jose Ch, Alvarez upang tulungan na makapag-bagong buhay ang mga natukoy na residente ng lalawigan na nalulong sa droga,” dagdag pa sa nasabing pahayag.
Discussion about this post