Tahasang inihayag ng Exec. Director ng Palawan NGO Network, Inc. (PNNI), ang kalipunan ng mga non-government organization sa lalawigan, na si G. Robert “Bobby” Chan ang kanilang agam-agam sa nalalapit na plebisito.
Matatandaang simula nang muling mapag-usapan ang usapin sa Sangguniang Panlalawigan ay hayagang inihayag ng mga civil society group sa lalawigan ng Palawan ang disgusto sa paghahati ng probinsiya ngunit sa kabila nito ay naisabatas ang RA 11259 noong Abril 5 ngayong taon.
“Wag tayong lumayo sa tunay na intension kung bakit gustong hatiin sa tatlo ang Palawan. Kayo ba, naniniwala na ang tunay na layunin ay para magbigay ng mas magandang serbisyo publiko o para iusad ang pulitikal na dinastiya ng iisang pamilya?” pahayag ni Chan sa pamamagitan ng text message.
Komento pa niya, sa simula pa lamang ay mahigpit na nila itong tinututulan, at maging ang panukalang pagkakaroon ng federal state sa bansa.
“Matagal nang gumawa ang PNNI ng Board Resolution na tutol kami, ‘di lamang sa Federalismo kundi pati na sa nagsusulong ng pulitikal na dinastiya.”
Sa kabilang dako, ang Environmental Legal Assistance Center (ELAC) naman ay nagsabing ginagalang nila ang pasya ng Komisyon.
“We respect the Comelec’s plan as this is part of their usual responsibilities,” pahayag ng abogado ring si Grizelda “Gerthie” Mayo-Anda, executive director ng ELAC at isa sa mga lead convenor ng Save Palawan Movement (SPM).
Sa hiwalay na panayam naman ng Palawan Daily News kay Provincial Information Officer Winston Arzaga, pinabulaanan niya ang pahayag ng PNNI. Buwelta pa niya, “makitid na pananaw” ang nasabing komento ng PNNI.
“Masyadong makitid ‘yung kanilang interprestasyon ng creation ng three provinces….We have to remember, na ‘pag nag-create ka ng bagong probinsiya, ang beneficiaries niyan ay ang next generations of Palaweños….Ang purpose ng creation [ng additional provinces] is developmental,” ani Arzaga.
Giit pa niya, hindi maituturing na epektibo ang isang lider kung hindi nito nagagampanan nang husto ang kanyang mga tungkulin. Ngunit sa kaso umano ng lalawigan ng Palawan na binubuo ng mga 12 island municipalities at mahigit 7,680 na mga island at islet ay sadyang isang hamon kung paano ito maisasakatuparan kaya ang nakikita nilang solusyon ay bumuo ng mas maliit na probinsiya.
Base sa ibinabang Comelec Resolution No. 10620 ng Commission on Elections (Comelec) noong Nobyembre 12, nakasaad na gaganapin ang plebisito sa ika-11 ng Mayo, 2020. Sa plano, magiging kapital ng Palawan del Sur ang Munisipyo ng Brooke’s Point, ang Munisipyo ng Roxas sa Palawan Oriental habang ang Taytay, ang pinakaunang sentro ng lalawigan ng Palawan, ang magiging panlalawigang kabisera ng itatayong Palawan del Norte.
Discussion about this post