ODIONGAN, Romblon — Nagsimula nang tumanggap ng mga aplikasyon para sa ‘2019 fisheries scholarship program’ ang opisina Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa lalawigan sa mga interesadong magpatuloy sa pag-aaral at pagkuha ng apat na taong kurso sa fishery.
Ang pagsusulit para sa 2019 fisheries scholarship program-fisheries children at fisheries industry leaders grant na gaganapin sa ika-12 ng Enero 2019 ay bukas para sa mga nagtapos na ng high school o mga magtatapos na estudyante sa Grade 12.
Sa ginanap na ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’, sinabi ni Jannette Cruz-Ferran, scholarship program coordinator ng BFAR na ang application form ay maaari nang makuha sa Provincial Fishery Office. Maaari ring mag-download ng form sa www.bfar.gov.ph at isumite sa mga opisinang panrehiyon at panlalawigan ng ahensiya.
Ayon kay Ferran, ang huling araw sa pagsusumite ng aplikasyon ay sa darating na Oktubre 31 kasama ang mga hinihinging rekisito.
Dalawampu ang nakalaang slot na ibibigay sa mga nakapasang estudyante na anak ng mangingisda (fisheries children educational grant) at tatlong slot naman ang para sa mga pumasa at kabilang sa top 10 na graduating class (fisheries industry leaders grant).
Dagdag pa ni Ferran, puwedeng magpatala ang mga 23 kuwalipikadong iskolar ng BFAR para sa school year 2019-2020 sa Central Luzon State University, University of the Philippines – Visayas at Zamboanga State College of Marine Sciences and Technology.
Layunin ng programa na matulungan ang matatalinong anak ng mga mangingisda sa pag-papaaral at mai-angat ang antas ng kanilang hanap buhay.
Ang mga ito ay pagkakalooban ng libreng matrikula at iba pang bayarin o pangangailangan sa eskuwelahan, buwanang allowance na PhP2,500, allowance sa libro na PhP2,000 bawat semestre, suporta para sa pagtatapos na PhP500 at suporta sa thesis na PhP3,000-PhP5,000.
“Sa mga aplikanteng estudyante sa Grade 12 sa kasalukuyan, dapat ito ay nag-eedad nang hindi lalampas 20 taong gulang, nasa top ten ng mga graduating class na certified ng school principal,” paliwanag ni Ferran.
“Para sa mga anak ng mangingisda na gustong mag avail ng programa, kailangan rin na high school graduate , hindi lalampas ng 20 years old, hindi pa naka-enroll sa anumang kurso at may general weighted average na 80 porsiyento, at ang taunang kinikita ng pamilya ay PhP25,000 pababa,” aniya pa.
Mahalaga rin na ang magulang ng mga aplikante ay miyembro ng asosasyon ng mga mangingisda o koperatiba sa kanilang lugar. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)
Discussion about this post