Kinabibilangan ng mga magsasaka, mangingisda, indigenous people, kababaihan, manggagawa at mga kabataang tagasuporta ng mga makakaliwang-grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan para makapag-bagong buhay.
Sa impormasyong ibinahagi ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-3, boluntaryong dumulog sa mga otoridad ang nasabing mga mamamayan na dating naugnay at inorganisa ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang paglulunsad ng mga kinauukulan ng Retooled Community Support Program (RCSP) noong Sept. 18, 2020, at pag-deploy ng mga Community Support Program (CSP) Teams sa ilalim ng Peace, Law Enforcement and Development Support (PLEDS) Cluster ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC) sa ilang barangay ng nasabing munisipyo gaya ng Kemdeng, Alimanguhan at Sto. Nino. Ngayong araw naman ay iprinesenta sila ng MTF-ELCAC sa publiko.
Ang nabanggit na mga indibidwal ay nalinlang umano at pinangakuan ng tulong pinansiyal, pangkabuhayan, pagmamay-aring lupa at iba pa ng mg NPA kapalit ng pagsuporta nila sa kilusan.
“Sa malawakang pakikipag-ugnayan at taos-pusong layunin ng MTF-ELCAC ng Bayan ng San Vicente na maiparating ang mga serbisyo at mensahe ng kapayapaan at kaunlaran ay naliwanagan ang naturang mga mamamayan. Bunga nito, kusa silang lumapit sa mga CSP Teams para ipahayag ang kanilang pagtalikod na sa baluktot na ideolohiya at masamang layuning ng CTG kasabay ng kanilang pagbabalik-loob at determinasyong makipagtulungan sa ating pamahalan,” ang nakasaad pa sa ibinahaging impormasyon ng MBLT-3.
Ayon kay alias “Karding,” dating na-recruit at naitalagang Pangulo ng Ganap na Samahang Masa (GSM) ng mga katutubo (IPs), pinangakuan sila ng mga NPA na tutulungan sa kanilang problema sa lupain hanggang sa ginawa siyang organisadong tao.
“Kami ay may problema sa aming lupa. Kami ay mga katutubo at pinaasa nila kami. Doon kami pinasok ng grupo na ‘yan, pinasapi at hinikayat….Sa kagagawan nila, nakarating po ako sa Maynila, na hindi ko alam na magra-rally pala kami. Ang pagkakasabi nila, doon namin malalaman ang dinadaing namin sa aming lupa, ‘yon pala pagdating do’n ay pagra-rally na laban sa gobyerno ang gagawin namin. Dahil sa mga kung anu-anong ipinapagawa sa akin ng grupo, napabayaan ko na ang aking pamilya,” aniya.
“Ganap na Samahang Masa po ang tawag sa mga naorganisang masa o mamamayan ng mga NPA. Sila po ‘yong masa na sumusuporta sa mga NPA; sila po ‘yong pinupuntahan ng mga NPA ‘pag bumababa sila sa mga kabundukan,” ayon naman sa Civil Military Operation Officer ng MBLT-3 na si 2Lt. Maria Cristina M. Mojeca sa isang hiwalay na panayam.
Dagdag pa ni 2Lt. Mojeca, kasabay ng pagsisimula ng RCSP noong Sept. 18 ay nakakausap na nila ang mga mamamayan sa mga barangay. “Effective that date, may mga lumalapit na po, hanggang sa kanina po, may humabol pa po kaya total po na 66 sila kanina [na nagbalik-loob],”
Kaugnay nito ay tiniyak ng pamunuan ng San Vicente MTF ELCAC, sa pangunguna ni Mayor Amy Alvarez, katuwang ang Palawan PTF ELCAC, ang bukas-palad na pagtanggap at pagsuporta sa mga dating na-recruit ng NPA sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalan. Tinitiyak naman ng PLEDS Cluster ang kaligtasan at seguridad ng mga nagbalik-loob mula sa anumang marahas na plano o hakbang ng mga CTG.
Samantala, patuloy ang panawagan ng pamunuan sng 3rd Marine Brigade/Joint Task Force Peacock sa mga miyembro ng NPA na kasalukuyang patuloy na nagtatago sa mga kabundukan na bumaba na at magbalik-loob sa pamahalan.
Discussion about this post