Nakatakda ngayong Hulyo 13 ang pagbaba sa puwesto ni Sri Lankan President Gotabaya Rajapaksa matapos ang ginawang paglusob ng libu-libong raliyista sa tahanan nito sa Colombo.
Matapos mabatid ng mga nagpoprotesta ang desisyong ito ni Rajapaksa mula sa pahayag ng opisyal na tagapagsalita ng dating Pangulo nitong kamakalawa lamang, nagkaroon ng masigabong pagdiriwang ang isinagawa ng mga ito sa mga pangunahing kalsada ng bansa sa pamamagitan nang kantahan, sayawan at mga paputok.
Itinuturing na makasaysayang tagumpay ang pagbaba na ito sa puwesto ng kanilang Presidente makaraan ang ilang buwang pag-aaklas na ginawa ng mga ito upang pababain lamang sa kanyang panunungkulan ang pinakamataas na pinuno ng Sri Lanka. Napag-alaman na una nang nagbitiw ang apat na malaking opisyal ng bansa na sina Minister of Tourism and Land Harin Fernando, Minister of Labour and Foreign Employment Manusha Nanayakkara, Minister of Transport and Highways at co-spokesperson for the cabinet Bandula Gunawardena at Minister of Investment Promotion Portfolio Dhammika Perera.
Ang protesta ng mga mamamayan sa Sri Lanka ay dahil na rin sa kahirapang nararanasan ng mga ito kaugnay sa pagbili ng pagkain, medisina at langis.
Sa pagsimula ng kanilang protesta, tahimik lamang itong isinasagawa, nguni’t umabot na sa sukdulan ang galit ng mga raliyista at mahigit sa 100,000 sa mga ito ay nagtungo sa bahay ni Rajapaksa kung saan ay sinira ang mga kagamitan kabilang ang artifacts habang ang iba ay ginawang libangan ang pagligo sa swimming pool ng Pangulo.
Bukod sa paglusob sa tahanan ng kanilang Presidente, sinunog ng mga ito ang bahay ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe dahil nais din nila itong pababain sa tungkulin. Wala sa kanilang mga pamamahay ang Presidente at Prime Minister nang mangyari ang paglusob matapos silang ilikas sa ibang lugar para sa kanilang seguridad.
Discussion about this post