“Hinangad kong maging kampeon pero ang parangalan bilang ‘Best Boxer of the Year’ ng Palarong Pambansa 2018 ay malaking achievement hindi lamang para sa akin kundi para sa lahat ng sumuporta, tumulong at nag-train sa akin at higit sa lahat sa Panginoon” -Billy Ray Naelgas
Isang pangarap na maging “Professional Boxer” balang araw ang na-ikintal sa puso ni Billy Ray Naelgas, 18 taong gulang, na nagsimula pa noong sya ay nasa elementarya at hanggang ngayon na sya ay magtatapos na sa pag-aaral sa sekondarya.
Noong sya ay lalaban para sa rehiyon ng MIMAROPA IV-B sa Palarong Pambansa 2018, hindi naging madali para sa kanya na makuha ang gintong medalya sa larangan ng boxing dahil bilang isang atleta ang pagiging isang disiplinado ay higit na kinakailangan sa mga training.
“Minsan po kapag nagbabyahe kami sa barko, nagte-training pa rin kami. Maalon man at nakakahilo hindi kami pwedeng masayangan ng panahon, kailangan pagpawisan at mai-maintain ang timbang. Minsan pag-reducer ka, magbabawas ka ng timbang, hindi ka kakain, makakain man tatlong kutsara ng kanin at tubig lang dahil may timbang ka pa ring kukunin na kailangan sa paglaban.”
Bago s-ya muling sumabak sa Palarong Pambansa isa lang ang layunin nya, bago sya makapagtapos sa sekondarya (grade 12) ay makuha na nya ang kampeonato sa boxing.
Nang makamit nya ang gintong medalya para sa “Light Welterweight Category” ay bakas sa kanya ang saya at pagpapasalamat na natupad na nya ang mithiing makuha ang gintong medalya para sa rehiyong ng MIMAROPA IV-B. Matapos syang parangalan ng gintong medalya, muling tinawag ang rehiyon ng MIMAROPA IV-B at kasama ang kanyang pangalan upang parangalan at tanghaling “Best Boxer of the Year” ng Palarong Pambansa 2018. Hindi nya inaasahan na makatanggap ng ganoong parangal at sa kanyang pagtanggap nito ay naluha sya habang binabalikan ang kwento sa lahat ng pagpapagal nya para makamit ang kampeonato.
Ang kwento nya patungkol sa kanyang pamilya ay talagang iginapang ng kanyang ama na si Bonifacio Naelgas, 58 taong gulang, sa pamamasada ng multicab. Samantala, ang kanyang ina na si Tessie Naelgas, 43 taong gulang, na noon ay nag-aaral at nagta-trabaho habang sila ay ina-alagaan. Sa kagustuhang matapos ng kanyang ina ang pag-aaral sa kolehiyo, kahit matanda na ay ipinagpatuloy nito ang pag-aaral hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo at ngayo’y isa ng ganap na guro sa Mangingisda National High School.
Ibinahagi niya na simula noong siya ay nasa ikatlong baitang sa elementarya ay nahiligan na niya ang paglalaro ng boxing kung saan ay ipinapasama siya ng kuya nya para mag-training at mag-jogging hanggang siya ay natuto.
Noong siya ay nasa ikalimang baitang sa elementarya, ay nakasama na sya sa MIMAROPA RAA Meet hanggang nakatungtong sya sa Palarong Pambansa. Wala siyang nakukuhang gintong medalya noon, gayunpaman ay hindi sya sumusuko.
“Nagkaroon po ako ng goal na kailangan ko mag-champion. Ilang taon ko na po gustong mag-champion ngunit hindi ko pa rin nakukuha kaya ang tanong ko po sa sarili ko, anu pa ang kulang? Kahit mahirap ginagawa ko naman ang best ko, minsan iniisip ko na mahirap dahil sa mga training pero dahil may tiwala ako sa Panginoon alam ako makukuha ko.”
Ilang taon ang nakalipas ay hindi nya parin nakuha ang kampeonato. Minsan di maiwasang maapektuhan ang kanyang mga grado sa pag-aaral at malimit din syang lumiban sa klase para mag-training. Dumating ang panahon na huminto sya sa pag-aaral noong sya ay nasa grade 11. Maraming nalungkot at nanghinayang, ganun pa man higit na marami ang nanghikayat sa kanya at hindi nawalan ng pag-asang bumalik sya sa pag-aaral at ipagpatuloy ang pag-boxing.
“Nawalan ako ng gana sa pag-boxing, sinabi ko na hindi na ako maglalaro, nalungkot yung mga magulang ko pinilit po nila na mag-aral ako uli. Yung mga coaches ko pinanghinayangan ako at naisip ko na parang sayang ang lahat at duon naunawaan ko na maraming nagtitiwala sa akin at nagmamahal kaya pinilit ko ang sarili ko na bumangon muli”
Taong 2018 ay muli syang nag-aral at bumalik sa pag-boxing. Naging malaking parte ang pagsuporta ng kanyang mga magulang at mga coaches nya. Naging inspirasyon nya rin ang mga boxer na napapanoud nya sa telebisyon kung paano nila nakamit ang tagumpay.
Noong muli siyang sumabak sa Palarong Pambansa, buo ang loob nya na hindi nya bibiguin ang mga taong naniniwala sa kanya pati ang pangarap nya na manalo at makuha ang gintong medalya.
Sa bawat suntok at pagod na kanyang naranasan, sa kanyang pagbabalik aral at pagsabak muli sa boxing ay isang tagumpay ang nag-aantay.
Sa pagkakataong ito’y nakamit nya ang kampeonato at itinanghal na “Best Boxer of the Year” ng Palarong Pambansa 2018. Naging mahirap man ang pinagdaanan nya bago ito makuha ay ipinaglaban nya ang pangarap nya. Naging malaking tulong ang kanyang pagkapanalo sa laro dahil nagamit nya at ng kanyang pamilya ang premyo na kanyang nakamit. Higit pa rito ay ang oportunidad na mapabilang sa Philippine National Boxing Team na matagal na nyang pinapangarap.
“Simula po nung manalo ako sa Palarong Pambansa, kinuha po ng Philippine Team yung pangalan ko at tinawagan na po ako para maglaro dun. Sobrang saya dahil gusto kong palitan lahat ng paghihirap ng magulang ko sa pamilya namin. Alam ko na sa pangarap kong ito ay hindi ako mabibigo dahil sa mga coaches ko nag-train [at sa] mga taong naging dahilan kung bakit ‘ko nakuha ang kauna-unahang parangal na maging ‘Best Boxer of the Year’ na atleta galing sa Puerto[ Princesa].”
Dahil sa ipinakitang galing ni Billy, pagkatapos nyang makapagtapos sa Grade 12 ngayong taon ay gusto nyang makapag-training sa Philippine National Boxing Team habang ipagpapatuloy nya ang pag-aaral sa ibang lugar.
Si Billy ay naging isang magandang halimbawa ng atletang hindi sumuko upang makamit ang tagumpay. Kaya ang mensahe nya sa mga atletang sasabak sa Palarong Pambansa ngayong 2019,”Sikapin nyo na sa mga training nyo ay maging disiplinado [kayo] at makinig sa mga coaches at laging manalagin”.
Discussion about this post