IPINALIWANAG ng Commission on Higher Education (CHED) na nakabase sa listahan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) o Listahanan 2.0 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES).
“It’s not CHED that selects; it is based on the Listahanan list of DSWD,” ayon kay CHED at UniFAST Governing Board Chairman J. Prospero de Vera III sa press conference na naganap noong ika-8 ng Nobyembre.
Dumating sa siyudad si de Vera kasama ang mga presidente ng mga state university ng rehiyon para sa isinagawang “2019 Mimaropa Tertiary Education Subsidy (TES) Congress” na may temang “TES Grantees Embracing Challenges and Opportunities Towards Access to Success” na isinagawa sa Western Philippines University-Puerto Princesa (WPU-PPC) Campus noong Nobyembre 7-8, 2019.
“So, ‘pag may mga pangalang mag-a-apply, ‘yung mga 4P’s families, sino-shoot ng CHED sa Listahanan ng DSWD. ‘Pag nag-match, TES beneficiary ka, ‘pag hindi nag-match, hindi ka TES beneficiary,” dagdag pa ni de Vera.
Ang TES ay isa sa apat na pangunahing programa na nasa ilalim ng RA 10931 o mas kilala bilang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong ika-3 ng Agosto, 2017 na sa unang pagpapatupad ng batas ay mayroong 300,000 slots ang nabuksan para sa tertiary education subsidy. Sa ilalim ng nasabing batas, libre nang makapag-aaral sa kolehiyo ang mga kabataan sa state universities/colleges, maliban sa nasabing subsidiya.
Ang mga prayuridad ng TES ay ang mga dati ng ESGP-PA grantees o ang orihinal na programa ng CHED, kung saan nabibigyan ng financial aid ang mga anak ng pamilyang miyembro ng 4P’s na noon ay umabot sa 28,000 beneficiaries, nasa listahan ng Listahanan 2.0 ng NHTS-PR, anak ng mga mahihirap base sa isusumiteng mga dokumento na diniditernina naman ng UniFAST Board at ang mga estudyanteng nag-aaral sa higher education institution (HEI) dahil walang local state universities and colleges (SUC’s) o CHED-recognized Local Universities and Colleges (LUC’s) sa kanilang lugar.
Nasa P40,000 ang matatanggap ng isang estudyanteng nag-aaral sa pampublikong unibersidad habang P60,000 sa pribadong paaralan. Ilan sa mga umusbong na katanungan sa isinagawang TES Summit ay kung ano ang mga basehan ng CHED sa pagbibigay ng sabsidiya sa edukasyon, bakit mayroong hindi naisasama sa TES gayung miyembro sila ng 4P’s at bakit hindi rin naisama ang mga mas mahihirap na mga mag-aaral.
Aminado mismo si Chairman de Vera na mayroong dapat ayusin sa listahan ng DSWD dahil na rin sa ilang dokumentadong naiparating sa kanyang mga reklamo na di akma sa programa ang isang benepisyaryo o di kaya’y may hawak namang sertipiko ang isang miyembro ng 4P’s ngunit wala sa TES program. Ngunit iginiit niya, wala silang otoridad na baguhin iyon dahil malinaw umanong nakasaad sa batas na tanging listahan lamang ng DSWD ang magiging basehan sa mga mabibigyan ng subsidiya.
“Kung anuman ang binigay ng DSWD ‘yun po ang aming binabasehan. Ipinarating na [rin] namin sa DSWD ito kasi ang DSWD has a process of inclusion and exclusion. They continuously validate the names, may mga tinantanggal, may mga dinadagdag,” aniya.
Ipinarating din niyang sa huling meeting sa Kongreso ay nabuksan din ang usapin at naitanong sa DSWD kung kailan lalabas ang Listahanan 3.0 na ang sagot umano ng Kagawaran ay “malapit na” kaya kailangang hintayin na lamang umano iyon.
“Kaya ang instruction namin sa mga SUC’s at sa regional office, ‘yung mga cases ng complaint, i-document ito then i-submit sa DSWD so they can look at it and correct their list. Kung may power [lang sana] ang CHED to correct it, na-correct na sana namin,” saad pa ni de Vera.
Suhestyon pa ng Chairman ng CHED na magtulungan na lamang ang lahat, maging ang media na idokumento ang lahat ng nakita o nalamang hindi karapat-dapat na isama sa programa o ang mga hindi naisama na dapat ay benepisyaryo ng TES.
“Ako’y naiinis din kasi sa Messenger ko ho, may nagko-comment. Piniktyuran ‘yung listahan, piniktyuran ang bahay ng beneficiary at sabi sa akin ‘Oh!’ Sabi ko ‘I agree with you.’ Ibigay n’yo ang impormasyon sa akin and I will bring it to the attention of DSWD,” garantiya pa ni de Vera.
Samantala, sa talaan ng CHED-Mimaropa, nasa 14,034 ang kabuuang bilang ng mga TES grantees habang wala pang pinal na aprubadong listahan para sa AY 2019-2020.
Discussion about this post