Hinikayat ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang mga kasalukuyang medical student scholars na nasa ilalim ng Programang Pang-Edukasyon para sa Palaweño (PPP) na pag-ibayuhin ang kanilang pag-aaaral ng kursong medisina.
Binigyang-diin sa isinagawang oryentasyon noong ika-29 ng Mayo 2019 sa gusaling kapitolyo na handa ang pamahalaang panlalawigan na tulungan ang mga benepisyaryo ng programa at mga bagong aplikante sa aspetong pinansyal basta sila ay magsi-seryoso sa kanilang pag-aaral.
Ito ay dahil may mga benepisyaryo ng programa na hindi ipinagpatuloy ang kanilang pag-aaral, base na rin sa tala ng IHELP-Education unit.
“We on the government side, we’ll help you with the tuition fees but it will be more on the individuals who will study in to give your all,” ani education program manager Agnes Alarilla.
Ayon kay Engr. Saylito Purisima, ang programa ay nakalinya sa pagsusumikap ng pamahalaang panlalawigan na makapagpatayo ng mga bagong ospital sa mga munisipyo.
Sa kasunduan na lalagdaan ng mga estudyanteng kwalipikado, ang mga iskolar na magiging ganap na doktor ay dapat na magbigay ng kanilang serbisyo sa mga ospital sa mga munisipyo katumbas ng taon na sila ay sinuportahan ng pamahalaang panlalawigan.
“This is a very serious undertaking of the government. Therefore, the recipient of this program must reciprocally do seriousness in their studies in order to pass the course within 4 years,” paliwanag ng program manager ng IHELP-Infrastructure unit. Dagdag pa niya na sa kasalukuyan ay kulang ang bilang ng mga doktor sa lalawigan.
Ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ay tumatanggap ng halagang P70, 000 tulong-pangmatrikula kada semestre mula sa pamahalaang panlalawigan.
Ipinaliwanag din sa oryentasyon ang mga dapat na gawin ng mga benepisyaryo upang maiwasan ang pagkaantala ng pagbabayad ng kanilang matrikula. Ani Gob. Jose Ch. Alvarez, walang dahilan upang hindi mabayaran ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang mga matrikula.
Dagdag pa ng gobernador na kasama sa kanyang plano na ma-increase pa ang tinatanggap na sweldo ng mga doktor sa Palawan.
“Yung sweldo ninyo i-upgrade namin ang mga tinatanggap ng mga doktor natin sa hospital. … Ang ideal talaga ang isang doktor ay kumikita at least P150,000 isang buwan,” ani Gob. Alvarez sa kanyang maikling mensahe.
Samantala, pagkatapos ng oryentasyon ay sumailalim ang nasa 39 na mga aplikante sa screening at interview upang mapili ang mga bagong benepisyaryo ng programa.(PR)
Discussion about this post