Pinanguhan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management office (PDRRMO) katuwang ang Puerto Princesa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Office of The Civil Defense-MIMAROPA at Junior Chamber International-Oil, ang 2nd Resilience Caravan 2019 na isinagawa sa Puerto Princesa City Baywalk kaninang umaga Hulyo 5, 2019.
Ang Caravan ay umikot sa pangunahing lansangan ng Puerto Princesa City upang maipakita sa mga mamayan sa Palawan ang kahandaan at kasapatan ng mga makinarya at kagamitan ng ibat-ibang rescuer sa buong Lalawigan.
“Ito pong caravan ay naipakita natin sa buong lalawigan, nagsimula po tayo mula Bataraza at sa norte sa Taytay at nagkita-kita tayo dito sa sentro ng lalawigan. Sa ginawa po natin ay naipakita po natin na sa bawat palawenyo na tayo ay may kakahayahan, ito yung ating kakayahan na sa panahon ng sakuna tayo ay makapaglilingkod, tayo ay magliligtas. tayo na mga nagsasakripisyo upang palakasin ang antas ng kahandaan” ,saad ni Jerry Yap Alili, hepe ng PDRRMO Palawan.
Humigit-kumulang tatlong daang partisipante ang nakiisa sa isinagawang Resilience Caravan 2019 ngayong araw lulan ng anim napu’t limang rescue vehicles. Kabilang sa mga nakiisa rito ang Rescue 165, League of Local Disaster Risk Reduction and Management Officers of Palawan, Puerto Princesa City Police Office, Philippine Coast Guard, Philippine Coast Guard Auxiliary, Western Command, Philippine Navy at iba pang ahensya.
“Tayo ay nandito at handang maglingkod kapag kinakailangan, so nais lang natin ipakita ang ating kakayahan nais lang nating maipakita na sa Palawan ay mayroong ganito, mayroong mga taong may pusong handang magligtas, taong nagsanay upang magligtas at taong naghahanda para sa bawat isa na sa panahon ng sakuna ay mayroon silang masasandalan”. Pangwakas na pahayag ni PDRRMO Alili.
Ang Resilience Caravan 2019 ay ginaganap isang beses kada taon. Sa pamamagitan nito ay ipinakikita sa publiko ang kakayahang makapagresponde sa oras ng pangangailangan ang bawat rescue units na nakatalaga sa bawat munisipyo sa lalawigan.
Discussion about this post