Isang patay na dolphin ang nakita sa isang balsa sa Barangay Manalo, Puerto Princesa City kaninang mga banda alas siyete ng umaga, August 6.
Ayon sa isa sa mga nakakita na si Angela Mae Condesa, namataan ang nasabing dolphin na patay na at may sugat sa katawan nito na nakasampa sa balsa.
Dagdag ni Condesa sa panayam ng Palawan Daily News, “Iyong una pong nakakita ay sina Alyas ‘Mokong Palces’ tapos sinabihan nIya po si Sergio Natividad na isa sang empleyado ng [isang] resort [doon] kung saan natagpuan yung dolphin para ma-confirm kung ano daw po ‘yun. Tapos noong naconfirm na nila, saka po sila tumawag sa mga barangay officials.”
Aniya, agaran namang rumesponde ang mga opisyales ng barangay at ipinagbigay alam narin nila ito sa mga otoridad upang matukoy ang naging dahilan ng pagkamatay ng nasabing dolphin.
Kinalaunan, nailibing na rin ang nasabing dolphin na may scientific name na Stenella attenuata o kilala bilang pantropical spotted dolphin. May tinatayang mga 40 kilos ang timbang nito.
Ayon kay Mavic Matillano, project officer ng WWF Philippines, ang nasabing dolphin na endangered at may haba na 5 to 6 feet ay makikita lamang sa mga “temperate and tropical oceans” at malimit dito sa ating bansa.
Discussion about this post