Tatlo katao ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations kagabi na ginawa ng Puerto Princesa City Police.
Batay sa police report, nahuli ng Police Station 2 at ng City Drug Enforcement Unit ang isang lalaki dakong 9:00 P.M. sa Barangay Tiniguiban na nakilalang si Ian Mejica Nuñez, 33, na residente ng Kalye Pogi ng nasabing barangay.
Nakuha sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, cellphone, iba pang drug paraphernalia at ang P1,400 na buy-bust money.
Si Nuñez ay kalalaya lamang umano noong nakalipas na taon sa kasong pagtutulak rin ng ipinagbabawal na droga.
Samantala, arestado rin kagabi sa ginawang operation ng Police station 1 at ng City Anti-Crime Task Force sa Bgy Bagong Silang ang dating miyembro ng City Anti-Crime Task Force na nakilalang si Joseph Bryan Logronio alyas JB na noo’y nasibak sa task force matapos magpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nakuha kay Logronio ang isang plastic sachet na pinaghihinalaang may lamang shabu at ang buy-bust money na nagkakahalaga ng P1,100.
Nahuli ang suspek matapos gamitin ng isang operatiba ng CDUE ang cellphone ng isang bading na naunang nahuli na nakilalang si Ryan Reyes alyas Regine, para makipagtransaksyon kay Logronio.
Si Reyes ay nahulihan naman ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P1,100.
Sa ngayon ay kapwa nakapiit na ang tatlo sa detention cell ng Puerto Princesa City Police at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Discussion about this post