Simula na ng araw na nagpapatunay ng paglamon ng Sistema sa mga tao ang panahong ito. Hindi ko nais na sumigaw upang marindi kayo, nais ko lamang gawin ang sa tingin ko ay nararapat. Bilang kabataan, nais kong magsalita sa paraang alam ko. Sa sulating ito sana’y mapukaw ko ang inyong isip at makuha ko pansamantala ang atensiyong kinakailangan upang mamulat ang lahat sa realidad na sumasalamin sa atin ngayon.
Kung anong uri man ng lupa ang tinatapakan natin sa ngayon, marahil ay ibang iba ito sa nakalipas na dekada at siglo. Ang hangin na halos mag-iisandaang porsyento na ng kaibahan mula noon ay tila manhid na sa pandama ng nakararami. Nakikita niyo ba ng nais kong ipakahulugan? Ito ay ilan lamang sa mga implikasyon ng unti-unting pagkasira ng ating kalikasan. Ang realidad na nais kong ipakahulugan ay ang kabulagan ng iilan sa pagsira nito. Hindi naman lingid sa ating kaalaman kung ano ang pangunahing pinagkukuhanan ng lahat, ang biyaya ng kalikasan. Biyayang noon ay higit pa sa salitang “sagana” na kung ihahalintulad sa ngayon ay tila malalim na putik na lamang ang natitira.
Lahat tayo nais mabuhay ng masagana, payapa at masaya. Nabubuhay tayo sa lugar na hindi atin sapagkat hiram lamang natin sa Inang kalikasan ang lahat ng ito. Dahil sa matagal na pamamalagi sa biyayang bigay ng mundo, ang akala nati’y sa atin ang lahat ng ito. Kung makapagputol tayo ng libo-libong puno sa iisang lugar, halos ayaw na nating magtira sa ating pinagkunan. Ang bawat gintong nakukuha dahil sa pagmimina, ang buong akala natin ay para sa atin talaga. Kahit konting balakid man lamang ng isip ay hindi natin piniling inunawa, pinairal ang sariling kagustuhan dahil sa paniniwalang wala ng ibang paraan. Hindi ko balak husgahan ang mga taong ito ang ikinabubuhay, hindi ko nais na ibaba ang tingin ng aking mata patungo sa kanila, hindi ko nais na mamuhay silang mas mahirap pa sa daga. Ang nais ko lamang ay ipaunawa ang kahalagahan ng kalikasan para sa lahat.
Ako’y isang hamak na mag-aaral lamang, naniniwala ako na isa ako sa mga instrumento upang itaguyod ang mundo. Nais kong mas kamulatan lamang ng nakararami ang implikasyon na dulot ng pagsira ng kalikasan. Sa pagkakataong ito, nagiging maingay na naman ang usapin patungkol sa pagmimina. Mga taong ipinaglalaban ang magiging karangyaan ng buhay kahit na kalikasan ang isugal nila. Isang tanong lamang ang nais ko, “Paano niyo masasabing gaganda ang buhay niyo gayong ang tanging yaman mismo ang sinisira ninyo?”.
Sa tingin ko nga, hindi basta-basta makukuha sa salita ang loob ng mga taong pagmimina ang ikinabubuhay gayong kahit ang matataas na opisyal ng pamahalaang pangkapaligiran ay harap-harapan nilang nilalabanan. Sa tingin ko pa, may posibilidad na hindi magagamit ang posisyon ng pagiging opisyal kung lalabanan ito ng makapal na salapi ng mga dayuhang nais umangkin ng kabundukan. Kung ako man ang tatanungin, “HINDI AKO PAPAYAG!”. Ibibigay ko ang buong suporta sa dapat na tularan. Hangad ko ang ikabubuti ng kapaligiran kung kaya’t papanig ako sa mga taong nais ang ikayayabong ng kabundukan, papanig ako sa kung sino ang may paninindigan bilang anak ng Inang kalikasan, at ipaglalaban ko ang natatanging biyaya ng Diyos para sa lahat.
Para sa mga taong nais ipaglaban ang ikabubuti lamang nila, kahit na kalikasan pa ang sirain nila, ito lamang ang nais kong sabihin. Kadalasan kahit na nakikita na natin ang dahilan para mapahamak tayo, pinipilit pa rin natin ang sariling magbulag-bulagan dahil iniisip natin na dun tayo magiging maligaya, at bukod dito mayroong mga taong pipilitin kayong bulagin ang inyong mga sarili dahil sa pangako ng inyong kapakinabangan.
Lahat ng bagay maaaring solusyonan, oo mahirap na pumili ng ibang kabuhayan ngunit dapat din na isaalang-alang kapag naningil na ang kalikasan.
Huwag sana nating piliing bulagin tayo ng nakaeengganyong ngiti ng mga taong nais na sirain ang kalikasan. Maaaring may pangako silang ngayon ay inyong pinanghahawakan ngunit ang kabaliktaran nito’y sila rin ang makikinabang at sa huli ay iiwan kayong higit pa sa luhaan. Nawa’y maging matalino ang lahat kung ang kalikasan na ang pag-uusapan, huwag nating hayaan na ibaon tayo ng sarili nating kagustuhan at karangyaan ng ating pamilya, huwag nating hayaang umabot pa sa panahong lahat ay huli na, huwag nating ipikit ang ating mga mata sa realidad na tayo mismo ang sisira sa sarili nating mundo.
Napakarami ng patunay ng epekto kapag kalikasan mismo ang sinira. Kahit kailan ay hindi natin magagawang protektahan ang bawat isa sa nakalulunod na bagyo at nakalilibing na lupang gumuguho. Kahit kailan ay hindi natin magagawang protektahan ang sarili sa umaagos na baha ng pagkabigo, kahit kailan ay hindi natin magagawang magtago sa nakalilipad na hangin patungo sa sirang paraiso, at kahit kailan ay hindi natin magagawang humanap ng ibang mundo kapag sa huli ay nagsisi na tayo at umasang may makukuha ulit na panibagong ginto at mayayabong na puno.
Lahat ng aking tinuran sa pagkakataong ito ay alam kong totoo. Umaasa akong sana ay nakalabit ko ang mumunti niyong puso at nabuksan ko ang nakasara niyong isipan. Alam kong bukod pa sa bawat salitang iniwan ko ay mas magiging mas makapangyarihan kung sasahugan ko ng kilos at buong pusong paggawa. Hindi pa ito ang huling salitang nais kong iwan, sana’y sa mga susunod na araw, linggo, taon o buwan, ang maririnig ko ay tinig niyo na naman.
Discussion about this post