Tahasang pinangalanan ng Palawan Task Force – ELCAC ang tatlong kapariang sakop ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa, maging ang AVPP-Social Action Center, Inc. at ang isang pastor ng United Church of Christ of the Philippines (UCCP) –Puerto Princesa City na umano’y pinagagalaw ng mga komunistang teroristang CPP-NPA-NDF sa lalawigan.
Sa Press Conference sa VJR Hall, Provincial Capitol Complex noong ika-2 ng Disyembre, inanunsiyo ito ng PTF-ELCAC sa mga kagawad ng media sa Palawan na ikinagulat ng nakararami.
“Nais nating iparating sa mga Palawenyos ang mga iba’t ibang organizations na kaalyado at pinapagalaw ng CPP-NPA-NDF dito sa Palawan,” ang bahagi ng laman ng press statement ng Task Force.
Sa ilalim ng religious sector, nakalathala ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa-Social Action Center (AVPP-SAC), ang UCCP at ang RMP.
PINANGALANAN ANG ILANG NASA SEKTOR NG RELIHIYON
Dito tinukoy sina Rev. Fr. Joseph Cacacha na kung saan, nakasaad na siya ay mula sa lungsod ng Puerto Princesa, former Parish Priest ng Bayan ng Aborlan at lider ng grupong Aldaw, Rev. Fr. Jasper Lahan na miyembro naman ng AVPP-SAC at Rev. Fr. Armando Limsa na lider ng Nagkakaisang Tribu sa Palawan (NATRIPAL). Si Pastor Elena del Valle naman ay tinaguriang lider ng UCCP-Palawan.
SAGOT NG DIREKTOR NG AVPP-SAC
Sa hiwalay na panayam naman ng Palawan Daily News (PDN) sa isa sa mga tinukoy ng task force na si Rev. Fr. Jasper Lahan, direktor ng AVPP-SAC at Parish Priest ng Brgy. Tagburos ay mariin niyang pinabulaanan ang lahat ng alegasyon ng PTF-ELCAC at sinabing “Marami talaga ang nagulat” sa nasabing anunsiyo.
Ipinaliwanag niyang kaya niya ipinaliwanag sa media na marami silang mga ginagawa at iilan lamang sila ay upang mabigyang-diin na wala na silang panahon na magsayang pa ng oras sa mga makakaliwang-grupo at iginiit na kailanman ay hindi papasok sa ganoong bagay ang Inang Simbahan.
“Kami, ang dami na naming ginagawa sa SEARCDEV, tapos ako may sarili pa ako ngayong area sa Tagburos, tapos nag-aaral pa ako, sa tingin mo ba—? Swerte naman nila kung maglalaan pa ako ng panahon sa kanila (NPA)! Pero ang point lang dito na nais kong i-stress ay wala kaming panahon para diyan…kasi numbered ang hours namin, hindi namin kaya na mag-lose pa ng time para sa walang kakwenta-kwentang bagay,” walang paligoy-ligoy na pahayag ni Fr. Lahan.
Aniya, anim lamang sila sa AVPP-SAC—siya bilang direktor, ang kanilang program manager, community organizer para sa CDRR, livelihood officer, finance, at admin kaya napakaimposible umanong sa bilang na iyon ay may panahon pa sila sa ibang bagay kung ikukumpara sa napakalaking programang nakapaloob sa social action.
Tiniyak din ni Fr. Lahan na kilala niya ang lahat ng miyembro at magkakakilala sila at higit sa lahat, karaniwan din umanong mga kaparian ang namumuno sa mga programang nakapaloob sa SAC, kaya kung sasabihing may linkages sila sa NPA ay hindi rin umano mangyayari iyon.
Paghahalimbawa niya, si Fr. Botchoy ang namamahala sa sustainable agriculture sa Macarascas habang si Fr. Jasper Tabangay naman ang may hawak sa ecology sa Brgy. Napsan.
“Ang aming opisina ay nagsusumikap na i-uplift ang buhay ng bawat tao. Hindi ito para maging kalaban ng gobyerno kundi maging collaborator ng ating government kasi tayo naman ay kabahagi ng gobyernong ito. Ang CSO, ‘yan ay auxiliary to the government, hindi competitor, hindi kami kaaway; kami ay nagsusumikap para mas lalo pang maiangat ang buhay ng bawat mamamayan,” pagbibigay-diin ni Fr. Lahan.
Aniya, ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa-Social Action Center, Inc. ay ka-partner ng gobyerno sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, lalo na umano sa mga panahon ng kalamidad.
“Kami dito sa Social Action Center, sa aming central na tinatawag naming National Secretariat for Social Action, isa sa mga wini-work-out namin diyan ay i-instill [sa mga workers] that they must work professionally…lalo na sa pakikipag-deal namin with the poor….Kasi dapat sila ang recipient ng utmost service na pwedeng i-render ng Simbahan,” paghahalimbawa pa ni Fr. Lahan sa kanilang grupo sa PTF-ELCAC.
Kaugnay nito, panawagan lamang umano nila sa mga kinauukulan ay umakto bilang propesyonal.
“Ang mahirap kasi ang professionalism natin nasa pangalan lang, ang professionalism sa atin nasa opisina lang pero hindi sa buhay,” patama pa niya.
MALING IMPORMASYON?
Nabanggit umano niya ang salitang professionalism dahil hindi lamang umano sila nagulat sa pagsangkot sa kanila sa CPP-NPA-NDF ay mali rin ang mga nakalagay na impormasyon.
Inisa-isa ng pari ang mga impormasyon. Pagtatama niya, si Fr. Arman Limsa ay hindi na kunektado sa NATRIPAL at ang hawak ngayon ay ang Palawan Katutubo Mission bilang isa ring miyembro ng Tagbanua IP Group.
Ukol naman kay Fr. Joseph ay mali na sabihing dati siyang parish priest ng Aborlan sapagkat ito ang hawak niyang parokya sa ngayon. Ang nakalagay naman umanong lider siya ng ng Aldaw ay isang malaking kasinungalingan dahil ni hindi umano nila alam ang grupong iyon.
Lalo na umano sa impormasyong nakalagay sa kanya na miyembro siya ng AVPP-SAC dahil siya ang direktor.
“Nakatatawa! At di ko alam, na ang highest paid [government officials] ang magre-report ng ganyan—it’s a trash, basura! Ire-report mo ‘yung basura. Ibig sabihin, i-equate mo ‘yung sarili mo sa basurang information!? Baseless, ire-report mo!?” parunggit pa niya sa mga miyembro ng Palawan Task Force ELCAC.
Tanong pa niya, nakikita ba umano nila ang implikasyon sa kanilang ginagawa sa pagkatao ng mga kaparian.
“Kaya dapat ang pag-handle ng ganito, i-handle professionally. Kung sa akin lang, sanay naman ako sa issue, marami namang gumagawa-gawa ng isyu sa akin, ako di ko papansinin ‘yan pero dahil sila ay nasa gobyerno, expected sa kanila na dapat ang ginagawa nila ay in a professionally [way],” paliwanag pa niya.
Aniya, hindi patas ang ginawa sa kanila ng mga kinauukulan at dapat ay sila pa ang magpaliwanag sa kung bakit nilagay ang kanilang mga pangalan sa redlist bagamat bukas naman umano sila sa pakikipag-usap sa Western Command upang maging maayos ang lahat.
MENSAHE SA MGA MANANAMPALATAYA
Ibig umano nilang ipaunawa sa lahat na kung anuman ang kanilang mababasa o kung anuman ang kanilang makikita ay mariin nila itong pinabubulaanan dahil ang kanilang tanggapan ay hindi kasapi sa makakaliwang-grupo.
Payo na lamang ng paring si Lahan sa mga naglathala ng kanilang pangalan at ng kanilang grupo na maituwid ang pagkakamali lalo pa’t nakaaapekto iyon sa buhay ng ibang tao kagaya nila.
Aniya, madali naman umano silang kausap kaya bakit hindi umano muna sila kinausap ng PTF-ELCAC at nang hindi na umabot pa sa puntong hindi na nagkakaunawaan.
“Kasi kung sana nagtanong lang, sana kinilala muna kami, sana nag-imbestiga ng maayos, hindi sana kami nasama sa ganyan. Kaya nais ko lang sanang sabihin na maging responsable po tayo sa lahat ng mga ginagawa natin kasi maaaring ang ginagawa natin ay makaapekto sa buhay ng kapwa tao natin,” komento pa ni AVPP-SAV Director Lahan.
Umaasa umano silang mapagsumikapan ng PTF-ELCAC na maisaayos kung ano ang nasabi laban sa kanila at malinis ang kanilang mga pangalan.
Kaugnay pa rin sa redtagging, ang United Church of Christ in the Philippines Palawan at Puerto Princesa Chapters ay naglabas din ng pahayag na mariing pinapasinungalingan ang statement ng PTF-ELCAC laban sa isa sa kanilang mga pastor.
“We, the United Church of Christ in the Philippines, strongly and categorically deny the allegation that the UCCP is an organization that supports CPP-NPA-NDF in Palawan and so is our pastor,” ang bahagi ng pahayag ng UCCP-Palawan sa isinagawa nilang Associate Conference.
Iginiit nilang kilala nila si Pastora del Valle na masigasig sa pagganap sa tungkulin sa kanilang simbahan at walang anumang kaugnayan sa Rebolusyunaryong Samahan. Nakatalaga ngayon si Pastora del Valle sa UCCP-Puerto Princesa na kung saan, ang kanilang simbahan ay matatagpuan sa Wescom Road, Brgy. San Miguel.
Discussion about this post