Nakatakda nang ikasa ng Narra Mayor’s Office bukas, ika-5 ng Abril, ang isang masusing imbestigasyon laban kay Vice Mayor Crispin Lumba, MDRRMO head Raymund dela Rosa at sampu ng mga lokal na suppliers ng face masks ukol sa nangyaring biglaang paghinto ng pamimili nito ng Local Government Unit (LGU) kamakailan.
Sa interview ng Palawan Daily kay Dionyseus Santos, appointed Narra Municipal Administrator, inamin nito na wala pa silang hawak na konkretong ebidensya kung kaya’t kanilang sisimulan pa lamang ang imbestigasyon sa naturang anomalya bukas.
Nais umanong malaman ng kanilang opisina kung bakit biglaan ipinahinto ng Narra MDRRMO ang pamimili ng facemasks mula sa mga lokal na supplier.
Dagdag dito, inamin ni Santos na kanila ring nabalitaan ang pag-angkat ni Vice Mayor Crispin Lumba ng tinatayang 30,000 facemask sa isang supplier mula sa Cavite.
“Kasi dapat sa local lang kukunin yang mga facemasks na ýan. Ngayon itong MDRRMO ine-encourage nila ang mga tao (gumawa) and then isang week lang yata, biglang ipinatigil ang pamimili. Ngayon may lumabas kasi na ganito, ganyan. Ýun ang pinaiimbestigahan ni Mayor. Kung bakit pinatigil. MDRRMO mismo, ayaw na nila mamili,” giit ni Santos.
“Ayoko muna magsalita kung totoong ‘yang 30,000 na ýan ay pumasok doon sa 42,000 kaya natigil ang pamimili. So fact-finding pa lang ako, allegation pa lang,” ani ni Santos.
Sa nakalap na dokumento ng Palawan Daily News mula sa MDRRMO ng Narra, makikitang mayroong ineestimang humigit-kumulang 42,857 bilang ng facemask ang kinakailangan ng bayan para sa mahigit 20,000 pamilyang bumubuo sa munisipyo.
Ang bilang na ito, mula sa dokumento, ay halos nakamit na sa tulong ng mga lokal ng suppliers ng naturang bayan na siya namang personal na gumagawa at nagbebenta sa LGU.
Nilinaw din ni Santos na wala pang pinipirmahan na aprubadong pondo si Mayor Danao na siya namang ipangbabayad sa mga suppliers. Bagaman ang itinalagang pondo ng munisipyo para dito ay P1.5 milyon, hindi pa rin umano ito nagagalaw dahil nais ng mayor na magpa-imbestiga muna.
Dagdag niya, mayroon umanong isang private contractor na nakausap ang lokal na munispyo. Ang contractor, ayon din kay Santos, ang siya namang namimili ng mga facemasks at nag-liliquidate din ng mga ito.
“Ayaw pirmahan ni mayor ang voucher at magpapaimbestiga siya,” dagdag ni Santos.
“Binayaran kasi ng parang private contractor ýan para siya na ang mag-liquidate ng lahat ng ýan. Kaya diyan din nila kinukuha para may allowance ýung nag sell-out ng pera para mabili ýan. Kasi hindi naman agad mabibigay ng munisipyo ýan unless makumpleto na ýung 42,000 mahigit na required facemasks,” pahayag ni Santos.
Ayon din kay Santos, ang naging dahilan umano sakanila ng MDRRMO sa isyung pagpapatigil ng pamimili ng facemasks ay sa kadahilanang nakamit na nito ang bilang ng facemasks na kinakailangang punan.
“Na hit na raw nila ýung 42,000 na ýun ng facemasks,”ani ni Santos.
Kinompirma din ni Santos na inilipat ni Mayor Danao ng puwesto si Raymund dela Rosa, ang head ng MDRRMO ng naturang munisipyo. Si dela Rosa umano ay nasa ilalim na ng Narra Mayor’s Office ngayon at si Santos narin ang pansamantalang hahawak ng MDRRMO sa ngayon.
Samantala, sa panayam naman ng Palawan Daily News kay Vice Mayor Lumba nitong Sabado, inamin nito na siya ay nag-angkat ng tinatayang 30,000 facemasks sa halagang P15 bawat piraso mula kay Kleo Marro, isang supplier na naka-base sa Cavite subalit itinanggi ng bise-mayor na ang transaksiyong ito ay may kinalaman sa LGU.
“Umorder ako, yes sa labas kasi urgent need na ýan pero personal transaction ko ýun. Labas ang munisipyo, walang perang gagamitin na galing sa munispyo o sa MDRRMO. Part of it is coming from personal money along with the help ng mga kasamahan ko sa liga ng mga bise-mayor. Kami-kami ang nag-usap para sa transaction na ýan,” giit ni Lumba.
Itinanggi din ng bise-mayor na ang mga facemasks na hawak ngayon ng MDRRMO ng Narra ay ang mga facemask na kanyang inangkat mula sa kanyang kausap na supplier. Ang kanyang inangkat na facemasks ay hindi pa rin dumadating sa lalawigan sapagkat ito ay naipa-ship nitong Lunes lamang.
“May listahang inilabas ang MDDRMO kung papaano sila nakalikom at naabot ang quota ng 42,000 na facemasks, andiyan lahat ng mga detalye ng supplier kabilang na kung ilan ang nagawa at naibenta nila sa munisipyo,”ani ni Lumba.
Kasabay nito, sa isang mensaheng pinadala ni Lumba sa Palawan Daily News nitong Sabado, nilinaw ng bise-mayor na paghahatian ng lahat ng bise-mayor ng lalawigan ang naturang 30,000 na facemask at ang parteng kanyang makukuha ay kanyang ipamamahagi ng libre para sa mga kababayan.
Nagbigay din ng personal na mensahe sa Palawan Daily News si Marro, ang supplier na nakausap ni Lumba mula sa Cavite.
“Actually di ako nagtatanong pero nabanggit niya (Vice Lumba) personal purchase for people. 450,000 lang lahat plus ang shipping which is 18,580 sa Moreta,” ani ni Marro.
Sa isang komento, binaggit din ni Marro na hindi pa dumarating sa Palawan ang ipinadalang mga facemasks.
“I shipped it last Monday and ngayon hindi pa ito nakakarating ng Palawan at hindi pa ito bayad dahil COD (Cash on Delivery) ito. Baka naman iba ýung dumating na masks diyan na nagkakahalaga ng 1.4M kasi I just called the shipper nasa biyahe pa daw,”giit ni Marro.
Sa ngayon ay sinisikap ng Palawan Daily News na makunan ng pahayag si dela Rosa.
Samantala, ayon kay Santos, magtatagal ng humigit-kumulang dalawang linggo ang gagawing imbestigasyon.
Discussion about this post