Ikinaalarma ng mga residente ng Purok Green Island sa Brgy. Tumarbong, Bayan ng Roxas, nang malamang may dumating sa kanilang lugar buhat sa Brgy. Paly Island, Taytay, na matatandaang isinailalim kamakailan sa lockdown dahil sa pagluwas ng ilang mga mangingisda roon sa probinsiyang may kaso ng COVID-19 upang magbenta ng kanilang huli.
Ayon sa residente na ayaw nang magpabanggit ng pangalan, gabi ng Abril 21 nang dumaong ang nasabing mga indibidwal sa Zone 4 at kinaumagahan ay agad silang pinuntahan ng mga opisyales ng purok at ng ilang opisyales ng Brgy. Tumarbong na nagkataong residente rin ng nasabing isla.
Dagdag pa ng ginang, bandang tanghali kahapon ay nakita nilang dumating ang ilang law enforcers at nasa health sector. Una nilang sinabing Philippine Marines ang mga dumating ngunit ayon sa MDRRMO-Roxas, mga personnel ng Philippine Coast Guard-Roxas ang mga iyon, kasama ang Bantay Roxas at ilang buhat sa Rural Health Unit, kabilang na ang isang midwife na nakadestino sa isla.
Kahapon din umano ng umaga, habang nakikipag-ugnayan sa nasabing pamilya ay iniatas din ng mga opisyales ang pansamantalang pagpapasara sa mga sari-sari store. Muli naman silang nagbukas kinahapunan.
Kinumpirma naman ng Purok President ng Green Island na si Carlito Salazar Setenta Jr. na gabi nang dumaong sa isla ang nasabing mga indibidwal na aniya’y dalawang katao lamang, base sa kanilang mga nakausap.
Aniya, mag-asawa ang mga ito na kung saan, ang lalaki ay ilang taon na rin umanong nakatira sa isla, kasama ang kanyang mga magulang at ilang kaanak.
Bagamat hindi pa lubusang kumbinsido, ngunit sa inisyal umanong impormasyong nakarating sa purok president ay sinundo lamang ng lalaki ang kanyang kabiyak na nagtatrabaho sa El Nido at dumaan sila sa Paly Island sa Bayan ng Taytay ng isang oras lamang bago dumiretso sa Green Island.
Ayon pa sa lider ng purok, kinausap nila ang mag-asawa at sinabihang bakit sila tumawid ng dagat gayung batid nilang bawal ang magpapasok buhat sa ibang lugar kahit pa sa ibang munisipyo ngayong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ). Matatandaang noong nakaraang buwan ay mahigpit nang ipinatupad sa buong lalawigan ng Palawan ang pagbabawal sa “inter-municipal travel” sa lahat ng munisipyo at maging ang paglabas at pagpasok mula sa lungsod ng Puerto Princesa, sa layong masugpo ang paglaganap ng sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ngayon ay wala pa umanong kasong kinukonsidera laban sa kanila ngunit naging mahigpit ang tagubilin sa kanila na sundin nila ang quarantine protocol. Sa inisyal na bilang ay may naninirahan umanong siyam na katao, kabilang na ang naturang mag-asawa at ang mga bata sa nasabing inuwiang bahay ng napaulat na mga indibidwal.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay wala pang official statement ang MDRRMO-Roxas ngunit nangako naman silang ilalabas ito sa publiko kung maipapaabot na rin sa kanila ang kinalabasan ng assessment ng ipinadalang composite team.
Discussion about this post