Hindi lamang sila mga basta-bastang tagabenta ng gamot o di kaya’y tindera sa mga botika. Sa panahon ng pandemya kagaya ngayon – hindi maikakailang napakahalaga ng papel na kanilang ginagampanan, sila ang mga PHARMACIST – ang mga nakaligtaang frontliner.
Mula nang ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), dulot ng COVID-19 outbreak, hindi biro ang naging sakripisyo ng mga pharmacist upang matupad ang kanilang tungkuling propesyonal.
Ang mga botika ang nilalapitan kapag may nararamdaman ang isang tao- sila ang tanungan at tagabigay ng tamang impormasyon.
Ang mga pharmacist, kasama ang mga drugstore staff, ang nagsisiguro na may mapagkukunang gamot ang mga Pilipino, lakip na ang mga bitamina upang masigurong mapoprotektahan nila ang kanilang mga sarili laban sa mga sakit.
Sila rin ang nakatutulong na maiwasan ang shortage ng mga suplay at overpricing, at matugunan ang mga pangangailangan ng kapwa healthcare workers at ang mga pasyenteng may mga special needs at ang mga mayroon ng pre-existing medical condition.
Ayon kay Daisy dela Chica, presidente ng Young Pharmacists Group dito sa Palawan, noong mga unang linggo ay hindi bumababa sa 12 oras kada araw ang kanilang duty sa mga botika. Sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon, mas pinipili rin umano nila ang kanilang tungkulin imbes na manatili lamang sa kanilang tahanan.
Malaki rin aniya ang peligro dala ng kanilang trabaho dahil sa dami rin ng mga taong kanilang nakasasalamuha araw-araw.
Dumating pa umano sa punto na sila mismo ay nagkasabay-sabay din na nagkasakit, dala ng sobrang pagod.
Dagdag ni dela Chica, nakakalungkot lamang na dahil sa sila’y nakaligtaan ay nakararanas sila ngayon ng diskriminasyon.
“Meron kaming kapwa pharmacist na unang hindi pinapila sa express lane ng supermarket dahil hindi raw siya frontliner, [ang sabi siguro nila] pharmacist [ka] lang naman,” aniya.
“Oplan Uplift”
Kaya upang ipaabot ang kanilang suporta at pagkilala sa kani-kanilang hanay ay tulong-tulong ang Palawan Pharmacists Association sa pamumuno ni Ms.Edna Ubaldo, Palawan Drugstore Association sa pamumuno ni Mrs. Yolinda Comprendio Echague kasama ang Young Pharmacists Group upang maisagawa ang malawakang pagpapaabot ng kanilang pasasalamat sa 123 mga botika at establisyimento sa buong lalawigan ng Palawan.
“Umabot sa 472 ang mga nakatanggap ng food packs at espesyal na sulat na naka-calligraphy gawa din ng kasama namin pharmacist na si Jobelle Omison. Kahit sa maliit namin na pamamaraan ay gusto naming ma-encourage sila na [kapag] sama-sama, malalampasan [din natin] itong lahat,” dagdag pa ni dela Chica.
Hindi rin umano nila nakaliligtaan na marami ang salat sa basic needs kaya’t tuloy-tuloy din ang pagtugon sa donation drive ng mga pharmacists at drug store owners.
Ilan umano sa mga napili nilang benepisyaryo para sa food packs ay ang Manuel Austria Memorial Elementary School habang ang pamimigay ng gatas o “Milk Project” naman ay sa Sitio Buong Dumagueña, Narra at relief goods sa Batak Tribe.
Panawagan pa ni Bb. dela Chica, sa kabila ng kanilang nararanasan ay hindi naman umano nila hinihingi na bigyan sila ng espesyal na pagkilala kunti respeto lamang.
“[Hiling namin ang] respeto [para] sa isa’t-isa dahil lahat ay may vital role in this crisis. This is the best time to unite and fight the pandemic and not each other.”
Discussion about this post