Tatlong residente ng Barangay Masipag ang naka-isolate ngayon base sa rekomendasyon ng health authorities dito sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ang kinumpirma ni Punong Barangay Virgilio Rabang sa panayam ng Palawan Daily News matapos mapag-alamang kamag-anak ang mga ito ng nasawing kauna-unahang coronavirus disease 2019 (COVID-19) case sa lungsod.
Ayon sa opisyal, naging alerto lang sila dahil mahirap maging kampante sa panahon ngayon lalo pa’t lumabas narin at nababanggit sa social media ang kanilang barangay kung saan sinasabing may nakasalamuha mula dito ang pumanaw na pasyente.
“’Yung anak ng na sabi e positive na nagkaroon ng COVID na namatay ay in-isolate na namin , dinala muna namin sa isolation room silang mag-pamilya. So, nandun po sila ngayon sa isolation room ng aming barangay at kasalukuyan rin po siyang binabantayan ng aming mga tanod pero lahat po ng mga kailangan n’ya doon sa area po sa isolation area ay amin pong ibinigay lahat po,” ani Punong Barangay Rabang sa interview ng PDN.
“Tatlo lang po sila, misis n’ya saka tapos ‘yung kanyang anak ano po, tatlo po sila at nandun po sila ngayon sa area ko sa Barangay Hall na kung saan nadun ang isolation area po naming,” dagdag ng kapitan.
Dagdag pa ni Rabang na tatagal ang buong pamilya sa isolation area ng barangay sa loob ng labing apat na araw pero nilinaw nito na base sa kanyang pagkakaalam ay magsisimula na lamang ang quarantine period noong Miyerkules, April 22, isang araw matapos mamatay ang kanilang kamag-anak.
Wala rin anyang dapat ikabahala ang mga nakasama ng pamilyang ito sa kanilang inuupahan dahil wala pa namang abiso sa kanila [barangay] na kailangan din i-quarantine ang mga ito sa kadahilanang wala naman silang direct contact sa namatay na pasyente.
“Sa area nila sa may boarding house na so far medyo ang dami nila d’yan e nakatira, automatic po sila ay ma iko-consider na kung iko-contact tracing, kasama na agad sila d’yan maliban kasi doon sa mga nakasalamuha nila sa labas. Pero wala pa naman so far dahil hindi pa naman sila direct na may contact doon sa pasyente o namatay na tao,” giit ng Rabang.
Samantala, nilinaw din ng kapitan na walang lockdown na ipinatupad sa kanilang barangay bagkus ay bahagi lamang ng precautionary measures ang paglalagay nila ng barangay checkpoint.
“Hindi naman actually lockdown ‘yun kundi precautionary measure na ginawa natin bilang punong barangay na s’yempre nakita ko sa Facebook na ganun nga ang nagyari and kilala naman naming ‘yung tatlo, ‘yung anak so nag kuwan ako na medyo mag-checkpoint o ano in case and then information dissemination sa mg aka-baranggay natin,” paglilinaw ni Rabang.
Discussion about this post