Simula ngayong araw ay ipinatupad na ng Bayan ng Roxas ang mas pinahigpit na checkpoint bunsod ng isang panibagong kompirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Palawan.
“Paiigtingin po ang pagbabantay sa ating mga entry checkpoints sa munisipyo. Ang checkpoints po sa [Sitio] Bugto [Brgy. Sandoval] ay ilipat sa [Sitio] Itabiak [Dumarao] at ang nasa [Brgy.] San Jose ay ililipat sa Tinitian. No Certificate from origin, no entry,” ang sagot ng LGU Roxas sa tanong ng Palawan Daily News team ukol sa kanilang paghihigpit.
Matatandaang kaninang madaling-araw ay inanunsiyo mismo ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron na nakapagtala ang lungsod ng kauna-unahang “confirmed COVID-19” case base sa natanggap nilang resulta ng swab test ng yumaong isang 63 taong gulang na lalaki ng Brgy. Tanabag.
Ang Bayan Roxas ay ang unang munisipyong madadaanan kung manggagaling sa lungsod ng Puerto Princesa at tutungo sa iba pang lugar sa northern mainland Palawan. Ang Brgy. Tanabag naman ay isa sa mga rural barangay ng siyudad sa norte na tatlong barangay lamang ang layo mula sa Brgy. Tinitian na pinakaunang barangay ng Roxas.
Kaugnay nito, pasado alas tres ng hapon ngayong araw ay naglabas ng order ang Pamahalaang Bayan ng Roxas sa pamamagitan ng kanilang facebook account na “Bayan ng Roxas,” na nagsasabing upang malimitahan ang galaw ng pagpasok at paglabas sa kanilang munisipyo ay inilipat ang mga “existing checkpoint” sa kanilang lugar.
Sa Memorandum order na pirmado ni Mayor Dennis Sabando at naka-care off kina Roxas Municipal Police Station chief of police, PMaj. Analyn Palma at Municipal Health Officer Leo Salvino, ipinabatid sa kanila ang “agarang”paglipat ng PNP/medical checkpoint sa mga estratehikong lugar ng kanilang bayan.
Tulad ng naunang inihayag ng lokal na pamahalaan, ang Brgy. San Jose checkpoint ay inilipat sa Brgy. Tinitian habang ang checkpoint na nasa Sitio Bugto, Brgy. Sandoval ay inilipat naman sa Sitio Itabiak, Brgy. Dumarao.
“In view of a new development concerning COVID-19 situation that claimed its first death toll in Puerto Princesa City, this LGU is taking more appropriate steps to ensure the well-being of its inhabitants against further local transmission of this corona virus,” ayon sa bahagi ng Memorandum order ng Alkalde ng Roxas.
Discussion about this post