Limang kalalakihan ang naaresto ng mga operatiba sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng Puerto Princesa City Police Office – Police Station 2 sa Purok Pagkakaisa, Caimito Road, Barangay San Jose, dakong alas-5:10 ng hapon noong Hulyo 6, 2025.
Kinilala ang mga naaresto na sina;
* Isang 29-anyos, lalaking may asawa at residente ng Purok Talisay, Macedonia Street, Brgy. Sicsican;
* Isang 22-anyos, binata, at residente ng Purok Katarungan, Baltan Street, Brgy. San Miguel;
* Isang 25-anyos, binate, at residente ng Libis Road, Purok Pag-Asa, Villa Pe Subdivision, Brgy. San Pedro;
* Isang 23-anyos, binate, at residente ng Purok Pagkakaisa, Caimito Road, Brgy. San Jose;
* Isang 28-anyos na lalaki at residente rin ng nasabing lugar.
Ayon sa ibinahaging impormasyon ng PPCPO-PS2 sa kanilang opisyal na social media account, ang mga suspek ay nahuli sa aktong nagsasagawa ng ilegal na tupada sa nabanggit na lugar.
Nasamsam sa lugar ang dalawang patay na panabong na manok na may kasamang tari at perang pantaya na nagkakahalaga ng ₱1,500. Ang mga nakumpiskang ibidensya ay inimbentaryo sa harapan ng mga opisyal ng barangay San Jose.
Samantala, nasa kustodiya na ng Police Station 2 ang mga suspek para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602.














