Sa pagbubukas ng general community quarantine (GCQ) ay hindi na umano ire-require ng mga nakabantay sa PNP/medical checkpoints ng Bayan ng Roxas ang health certificate sa mga papasok sa kanilang bayan mula sa siyudad, ayon sa kanilang Municipal Health Office (MHO).
Sa panayam kay Roxas Municipal Health Officer, Dr. Leo Salvino, inihayag niyang ito ay batay na rin sa napakasunduan ng Pamahalaang Bayan ng Roxas at Lungsod ng Puerto Princesa sa kanilang pagpupulong noong katapusan ng Abril.
Maaalaalang unang iniatas ng LGU Roxas na hingan ng health certificate ang lahat ng mga papasok at dadaan sa kanilang munisipyo para na rin sa kaligtasan ng kanilang mamamayan na bunsod ng kumpirmadong kaso ng Covid-19 kamakailan sa Brgy. Tanabag.
“Yung sabi sa GCQ levels I, II, III na pinayagang magbukas, considered na ‘yun sila na authorized person outside residence, pwede na ‘yun silang payagan kahit walang health certificate. Wala na [kaming hihinging health certificate] kasi hindi sila mag-isyu talaga eh, ang City [Health Office]. Basta ang stand nila, pag-authorized person, lalo na under sa authorized person outside residence, hindi na kailangang mag-submit [nu’n],” ani Dr. Salvino.
Matatandaang ang nasabing hakbang ay ikinasa ng Roxas, ang binansagang “Gateway to the North” ng lalawigan ng Palawan sapagkat sila ang unang munisipyo sa norte pagkatapos ng Puerto Princesa City, kasabay ng paglipat sa kanilang mga checkpoints na gaya ng paglipat sa Brgy. San Jose checkpoint sa Brgy. Tinitian at ang nasa Sitio Bugto, Brgy. Sandoval sa Sitio Itabiak, Brgy. Dumarao.
Dagdag naman ni Dr. Salvino, papayagang makadaan o makapasok ang mga indibidwal at manggagawang pasok sa Sectors I, II, III at ang mga authorized person outside residence (APOR) at magpakita lamang ng kanilang company ID o kaya’y employment certificate at iba pang valid IDs.
Ang Munisipyo ng Roxas ay ang unang munisipyong madadaanan kung manggagaling sa lungsod at tutungo sa ibang lugar sa northern mainland Palawan na ngayon ay nakahanda na umano sa pagpapatupad ng general community quarantine sa buong probinsiya.
Muli ring pinaalaala ng MHO-Roxas sa kanilang mga mamamayan na sa ilalim ng GCQ ay nananatili pa rin ang kautusang manatili lamang sa bahay, otorisadong indibidwal lamang ang lalabas upang bumili ng mahahalagang pangunahing pangangailangan, nariyan pa rin ang curfew, ang pagpapanatili sa social distancing, pagbabawal sa mass gathering, pagsusuot ng facemask at pagsasagawa ng iba pang health measures upang mlabanan ang nakahahawang sakit.
Samantala, sa impormasyon namang ibinahagi ng PIO-Palawan sa kanilang facebook page, inilatag ng Provincial AITF for COVID-19 sa kanilang pagpupulong noong Abril 29 ang mga panuntunan sa pagsasailalim ng Palawan sa GCQ.
Ilan sa mga nabanggit ni Bise Gov. Dennis Socrates, ang nanguna sa meeting, na bagamat kasama sa binuksan ang public transportation, ay limitado pa rin ang inter-municipality travel sa authorized person outside residence (APOR) at mga manggagawang pasok sa mga sektor na pinayagan nang magtrabaho.
Nilinaw naman ni Vice Gov. Socrates na bagamat nakasaad sa guidelines na maaari nang bumiyahe ang mass transportation ngunit kailangang siguruhing mapapanatili pa rin ang social distancing kaya kalahati lamang ng orihinal na pasahero ang maaaring makasakay, batay sa isasapinal pa nilang guidelines. Gaya ng nauna nilang mga inihayag ay kailangang maging mahigpit pa rin sa inter-town travel dahil sa nariyan pa rin ang banta ng Covid-19 pandemic.
Habang sinusulat naman ang balitang ito ay wala pang inilalabas na opisyal na Guidelines ang Kapitolyo ngunit tinatayang lalabas na umano ito sa araw ng Lunes.
Discussion about this post