Kaugnay sa pananatili ng Puerto Princesa City (PPC) sa General Community Quarantine (GCQ) hanggang sa katapusan ng buwang kasalukuyan ay ipinatawag ni Mayor Lucilo Bayron ang mga kapitan ng 66 barangay ng lungsod.
Matapos ang press conference kahapon ng umaga, bandang alas nuebe ay pinulong ng Alkalde ang mga Punong Barangay sa araw na iyon, kung saan ang grupo sa umaga ay mula sa urban barangays at sa hapon naman ay ang mga napapabilang sa rural barangays. Ayon kay Mayor Bayron, ginawa ang ganoong set-up upang maobserba ang social distancing na isa sa mga ipinatutupad sa gitna ng banta ng COVID-19.
Sa pamamagitan naman ng text messages, ipinaliwanag ni City Administrator Arnel Pedrosa na ipinatawag ang nasabing mga kapitan ng Punong Lungsod para talakayin at ipaalam ang bagong guidelines ng lungsod na nakaangkla sa kamakailang pronouncement ng national government na pagsasailalim pa rin sa GCQ category ng Lungsod ng Puerto Princesa hanggang May 31.
Matatandaang noong ika-14 ng Mayo ay nagbaba ang Pamahalaang Panlungsod ng Executive Order No. 2020-25, s. of 2020 na may titulong “Adopting Additional Guidelines Governing Puerto Princesa City for the Duration of the General Community Quarantine from May 16 to May 31, 2020.”
Nakasaad sa nasabing Bagong Panuntunan na magpapatuloy na papayagang mag-operate ang mga dati nang pinayagang sektor na mag-operate at ang mga hindi pinayagang mag-operate ay hindi pa rin pahihintulutang magbukas habang nasa GCQ, alinsunod sa EO 2020-22 na naunang ibinaba ng siyudad.
PAGTANGGAL SA LIQUOR BAN
Isa rin sa mga masasabing ikinasiya ng ilan ay ang pagtanggal sa pansamantalang pagbabawal ng Liquor Ban sa lungsod, bagamat nilinaw ng LGU-PPC na ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar ay mariin pa ring ipinagbabawal.
BAGONG ORAS NG CURFEW
Mula naman sa alas otso ng gabi hanggang alas singko ng umaga na curfew, sa bagong guidelines ng siyudad ay naging alas nuebe na ito ng gabi hanggang alas singko ng umaga. Ipinaliwanag ng City Government na ang Tanggapan ng Punong Lungsod o ang Office of the City Administrator lamang ang pwedeng magbigay ng curfew pass o exemption.
Ang mga senior citizen naman o ang 60 taon pataas na walang high risks health issue na hindi nagtatrabaho sa mga pinapayagang sektor ay pinapayagan na ngayong lumabas ng kanilang tirahan para bumili ng kanilang pagkain, gamot at iba pang pangangailangan at upang mag-ehersisyo at iba pang makabubuti sa kanilang aktibidad. Dalhin lamang umano lagi ang senior citizen ID. Nananatili ring wala pang physical classes sa lahat ng lebel, pampubliko man o pribado, sarado ang mga paliparan at pier maliban na lamang kung para sa mga pagkain at cargoes, at mayroon pa ring selected checkpoints.
BUKAS SA PAGPAPAUWI NG MGA NA-STRANDED
Nakasaad din sa bagong EO na ang interzonal zone ay tumutukoy sa galaw ng mga tao at goods mula sa ECQ area patungong PPC o vice versa, o sa isang lugar na hindi na napapabilang sa community quarantine o vice versa habang sa mga munisipyo naman sa Palawan na may parehong kategorya sa lungsod ay ikokonsiderang iisang GCQ zone lamang. Wala pa mang mass transport, sa ngayon umano ay bukas naman ang City Government kung papayagan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na makabalik ang Locally Stranded Individuals sa kanilang mga munisipyo at ang kanila mismong mga residente ng lungsod, maging ang mga OFW at ang mga naabutan ng lockdown sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa kasalukuyan ay nananatiling bawal pa rin ang pagtitipon-tipon, maliban na lamang umano kung may mga mahahalagang gawain ngunit kailangang hindi sosobra sa 10 katao lamang at susunod sa social distancing, at may suot na facemask o mga kahalintulad nito.
Kabilang din sa nakalagay sa additional rules ang pagbabawal na maliitin o ipahiya ang mga health worker’s ng siyudad, ang mga repatriated OFWs at non-OFWs, ang mga pasyenteng COVID-19 confirmed, recovered, nagpapagamot, suspects cases o ang mga probable at mga PUM. Sinumang lalabag ay may kaakibat na kaparusahan.
IBA PANG PINAPAYAGAN SA GCQ
Sa ilalim din ng bagong rules ng PPC, pinapayagan ang land, air, at sea travel ng mga uniformed personnel at government officials and employee’s para sa kanilang official business, lalo na kung para sa pagdadala ng mga medical supplies, laboratory specimen na may kaugnayan sa COVID-19 at iba pang humanitarian assistance.
Pinapayagan ding makaalis ng lungsod ang mga OFW, ang mga permanent residents of foreign jurisdiction, at mga na-stranded na mga banyaga, kailangan lamang na hindi lalagpas sa isa ang kasamang maghahatid sa kanya patungo sa paliparan at babalik din sa pinanggalingan pagkatapos nito.
Pinapayagan din ang mga hotel na mag-entertain ng mga long-term bookings, ang mga may existing bookings ng mga banyaga simula Mayo 1 at ang mga tinitirhan o patitirhan ng mga distressed OFW at mga na-stranded na mga Pilipino o mga foreign nationals.
Ang mga opisina naman ng gobyerno na nasa siyudad na nagbibigay ng frontline services ay magpapatuloy sa pagre-report gaya ng dati sa kanilang work station o area of assignment.
‘New Normal’
Sa tinagurian namang sitwasyon na “New Normal,” inatas ng punong ehekutibo na iobserba ang minimum health standards gaya ng pagsusuot ng facemasks, social o physical distancing, mandatory checking ng temperatura ng katawan, regular na paggamit ng disinfectant, at pagkakaroon ng sanitation stations. Samantala, ang hakbang ng lokal na pamahalaan ay nakabatay sa ibinaba namang AITF Resolution No. 35-A ng AITF-EID noong Mayo 14 kung saan nakasaad na ang mga low risk areas ay mananatili sa GCQ, base sa rekomendasyon ng sub-Technical Working Group on Data Analytics.
Una namang inihayag ng Malacanang na hindi na mapapabilang sa community quarantine ang Palawan at siyudad noong Mayo 11 ngunit binago at ginawang Modified GCQ hanggang sa huli ay ibinalik uli sa kategoryang GCQ.
Discussion about this post