Mariing pinabulaanan ni City Incident Commander at Assistant Health Officer Dr. Dean Palanca ang kumakalat na balita sa social media na umano’y may locally stranded individual o Returning Overseas Filipinos ang tumakas mula sa facility quarantine.
Paliwanag ni Palanca sa panayam ng programang “Chris ng Bayan” ng Palawan Daily Online Radio, fake news ang kumakalat na balita.
“May isa akong case, 3 days ago na may ganyan daw na ROF din daw na kinuha daw ng mga pulis and then pinahanap ko kung anong pangalan and it turns out na ‘yung pangalan nun ay nandun pa ngayon sa ibang bansa pa. Wala pa s’ya dito sa lupa ng Pilipinas, so, sabi ko nga, may mga things siguro na pwedeng lumabas na ganyan,” paglilinaw ni Palanca sa panayam ng Palawan Daily News.
Mahigpit din anya ang seguridad na ipinatutupad nila sa quarantine facilities ng lungsod kaya imposibleng mangyari ang mga kahalintulad na insidente.
“Mayroon naman tayong mga securities po dito at tina-try po natin na 100 percent na mabigyan natin ng seguridad ang ating mga facilities. Wala din po kaming report na kahit isan sa ating mga LSI o ROF na nakawala po o sabi natin na nakaalis po sa ating mga quarantine facilities,” giit ng health official.
Panawagan na lamang nito sa lahat ng mamamayan ng lungsod, huwag maniwala sa kung ano man ang nababasa o nakikita sa social media at ugaliing i-verify muna ang reports sa mga kinauukulan.
“Wala pong ganyan na nagyayari dito sa atin sa Puerto Princesa at alamin nila talaga ang impormasyon mula sa mga authorities po natin,” paala-ala ni Palanca sa publiko.
Discussion about this post