Kinumpirma mismo ng bagong talagang city director ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na ngayong araw siya dumating sa lungsod at kasalukuyang nang sumasailalim sa 14-day mandatory quarantine sa isang pasilidad bilang bahagi ng protocol.
Sa pamamatigan ng phone interview, sinabi ni PCol. Sergio Vivar Jr. na ngayon ay ang unang araw niya sa katungkulan matapos na lumabas at naging epektibo ang relief order para kay PCol. Marion Balonglong noong June 12.
“Today ang assumption of office ko, ang problema, I am undergoing a quarantine. So, I will not be in the office for 14 days [pero] dire-diretso ‘yung transactions; ako rin ‘yung uupo. ‘Yon nga, all papers will be signed by me kung importante,” pahayag ni Police Colonel Vivar.
Tiniyak niyang nagkaganito man ang set-up ay hindi maapektuhan ang araw-araw na responsibilidad at daloy ng mga gawain ng City PNP.
Aniya, ang lahat ng mga liham at mga dokumento na dapat pirmahan ay ipaaalam sa kanya ng kanyang mga tauhan sa PPCPO sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone at kung ang mga iyon ay kinapapalooban ng pagdedesiyon ay siya ang lalagda.
Gaya rin ng naunang pahayag ni PNP MIMAROPA Regional Director, PBGen. Nicerio Obaob, binanggit din PCol. Vivar na malabong magkaroon ng pormal na pagtatalaga dahil sa ibinabang Memorandum Guidelines sa Mass Gathering ay hindi pa rin ito pinapayagan.
Dagdag pa niya, lahat ay dapat sumunod sa ipinatutupad na mga protocol na gaya niyang galing sa labas ng Palawan bilang bahagi ng pag-iingat kontra COVID-19.
“Ako, natutuwa sa procedure na ito dahil tama lang talaga na everybody should undergo a quarantine because ang pinangangalagaan natin is ang buong Probinsiya ng Palawan at ang City of Puerto Princesa,” ani PCol. Vivar.
Ang una naman umano niyang gagawin pagkatapos ng quarantine period ay ang pulungin ang mga station commanders at mga opisyal ng City PNP.
Malugod din niyang ibinahagi na masaya siyang naabutan ang huling byahe ng sinakyang barko kaya nakarating na sa ngayon, kasabay ng investigating team na ipinadala rin ng Police Regional Office MIMAROPA.
“Dumating ako rito, tangan ko ang misyon ko na ipagpatuloy ang takbo ng ating pulisya para mapangalagaan ang ating mga kababayan dito at i-enforce ang lahat ng batas, mga ordinansa sa siyudad ng Puerto Princesa,” saad niya.
Aminado rin umano si City Director Vivar na isang hamon ang pagkakatalaga sa kanya sa siyudad dahil sa nabahiran ng hindi maganda ang imahe ng pinalitang hepe; ngunit magkagayunpaman, makaaasa umano ang mga mamamayan sa ngayon ng isang tapat na paglilingkod at “walang halong katiwalian.”
“Nalagay na naman sa bad light ang organisasyon ng PNP, partikular dito sa Puerto Princesa at kasama kautusan na linisin ang pangalan buong kapulisan, definitely sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na tama at naaakma sa batas,” aniya.
Sa muli ay ipinangako ng pulisya ang patas na pagtingin sa kasong kinasangkutan ng na-relieve na hepe ng PPCPO.
“Ipinangangako po ng buong kapulisan na nagpadala po si RD ng investigation team to investigate the incident at pinangangako po namin lahat na that would be a fair investigation—wala pong papanigan, kung ano po ang lumabas sa mga imbestigasyon,” giit pa niya.
Tinama naman niyang dati na siyang naging PNP city director nang matalaga sa Lucena City bagamat higit na mas maliit aniya ang nasabing lugar kung ikukumpara sa Puerto Princesa.
Binanggit din ni Vivar na hindi na rin bago sa kanya ang siyudad dahil halos tatlong taon ang nakararaan nang una siyang nakarating sa lungsod para sa kanilang programa at nakarating pa sa ilang munisipyo ng Palawan
Discussion about this post