Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Coron na naitala ngayong araw, June 18 ang tatlong kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan na pawang mga Locally Stranded Individuals o LSIs.
Ito ay sa pamamagitan ng Facebook account ng Coron PIO matapos matanggap ang resulta ng swab test mula sa Ospital ng Palawan kung saan sinasabing ang tatlong indibidwal na confirmed COVID-19 positive ay magkasunod na nakauwi sa bayan ng Coron nitong Sabado at Linggo.
Isa ang 38 anyos na babae na mula sa Maynila at dumating nitong Sabado, June 13 lulan ng barko ng 2Go Travel na una nang naging IgM reactive sa Rapid Diagnostic Test kaya isinailalim sa swab test.
Ang ikalawang kaso naman ay isang 19 anyos na lalaki na mula rin sa Maynila at dumating nitong Linggo, June 14 lulan ng batil na MV Jun Aster habang ang ikatlong kaso ay isang walong buwang gulang na sanggol na nagkaroon ng close contact sa lalaki.
Negatibo naman sa RDT at swab test ang 20 taong gulang na ina ng sanggol pero kasama itong naka-isolate ng kanyang anak tulad ng iba pang positibo sa COVID-19.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Coron na ginagawa ng health officials ang lahat upang maiwasang may mahawa o kumalat ang virus sa island municipality.
Sa hiwalay na post ng Coron PIO, sinasabing nagpapatuloy parin ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng tatlong COVID-19 positive sa kanilang bayan.
Isasailalim din sa swab testing at mahigpit na monitoring ang mga nagkaroon ng close contact sa tatlo kasama ang ilang empleyado ng munisipyo na sumundo sa mga LSI.
Apela naman ng Coron LGU, hindi kailangang mag panic ang kanilang mga kababayan bagkus ay maging alerto at sundin lamang ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng social distancing, paggamit ng alcohol at palagiang paghuhugas ng kamay at iba pa.
Discussion about this post