Kinumpirma ni City PNP Director Sergio Vivar Jr. ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na naka-quarantine sa kasalukuyan ang ilan sa kanilang personnel na kasama sa mga grupong humuli sa dalawang indibidwal na kamakailan ay iniulat na kumpirmadong may Coronavirus disease-2019 (COVID-19).
“Gawa ito noong hinuli nila sa [bisa ng] warrant of arrest [ang isang suspek], so, ‘yong mga humuli, nag-self quarantine ‘yong tatlo, ‘yong walo naman, nasa isang quarantine facility….And also, mayroon pa rin ‘yong isa naman [nahuli] sa drug operation, positive din sa swab test. So, lahat sila (mga pulis) ngayon, subject for rapid test,” pahayag ni PCol Vivar sa pamamagitan ng phone interview.
Matatandaang kasama sa inanunsiyo ni City Incident Commander, Dr. Dean Palanca, sa online advisory ng City Information Department kahapon na sa 27 indibidwal na kinuhaan nila ng swab samples, tatlo sa kanila ang kumpirmadong mayroong COVID-19 at dalawa naman sa mga iyon ay Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa BJMP-Puerto Princesa City Jail. Ang nasabing mga lalaking inmates ay pawang asymptomatic o walang ipinakikitang sintomas ng naturang sakit.
“Kasi ‘yong hinuli, ‘pagka-turn over namin sa City Jail, inia-undergo sila ng swab test. Eh, na-find out namin na positive [sila], so, ‘yong mga may direct contact sa inaresto, isa-subject for rapid test at quarantine,” ayon pa kay Vivar.
“Lahat naman ng tinu-turn-over sa City Jail, talagang automatic, magka-conduct sila ng swab testing. It is supposedly the SOP of the City Police Office pero wala kaming pasilidad,” paliwanag pa ng pinuno ng City PNP.
Aniya, sa kabutihang-palad ay negatibo naman sa nakahahawang sakit ang unang batch ng 13 pulisya na kung saan, ilan sa kanila ay sumailalim na sa self-quarantine habang ang iba ay nasa quarantine facility. Ang natitirang 19 operatives naman na-expose rin sa nagpositibong PDL ay posibleng isailalim sa test bukas at idederetso sa pagsasailalim sa 13-day quarantine sa pasilidad ng lungsod.
“Yong lahat ng mga rapid test kahapon ay negative naman. Nire-require lang sila ng seven days quarantine. After ng seven days quarantine at di sila nagkaroon ng sintomas, then, they can report back to work,” dagdag pa ng Chief of Police ng PPCPO.
Tiniyak naman ng pamunuan ng City PNP na inoobserba ng kanilang mga tauhan ang lahat na ipinatutupad na health precautionary measures kontra COVID-19.
Aminado man ang pulisya na bahagyang naapektuhan ang kampanya kontra droga dahil sa ilang personnel na sumasailalim ngayon sa quarantine ngunit tiniyak ng pamunuan na may maitatalaga pa ring ibang kawani na magpapatuloy sa pagsasagawa ng operasyon sa gitna ng pandemya.
Ayon pa kay PCol. Vivar, bilang bahagi pa rin ng pag-iingat, kagabi ay nagsagawa na rin sila ng pag-disinfect sa buong gusali ng PPCPO headquarters habang bukas naman ay posibleng maisagawa na rin ang rapid testing sa mga nakapiit sa kanilang temporary lock-up jail facility.
Discussion about this post