Pag-uusapan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Narra ang inasal ng isang empleyado ng lokal na pamahalaan na kilalang kasangga ni Narra Mayor Gerandy Danao na nangangalang Ivy Ann Lim.
Bunsod ito ng umano’y pambabastos at kawalan ng respeto sa isang halal na opisyal matapos sabihan ng hindi kaaya-ayang salitang “ta***” sa social media si Punong Barangay Ernesto Ferrer na ex-officio member ng nasabing bayan.
Sa screenshot ng isang Facebook post na ibinigay ng source sa Palawan Daily News, mababasa at makikitang nagkakasagutan na tila nag-aaway sina Lim at Ferrer.
Sa isang comment section ng public post ni Antonette Arevalo, mababasang nag-uusap sila nina Ferrer at Joel Pelayo, kilalang anti-coal protester tungkol sa pakikipag-barter ng mga halaman nina Ferrer at Arevalo.
Walang kamalay-malay ang tatlo na bigla na lamang sisingit sa usapan si Lim kung saan iginigiit nito na pinapatamaan umano ni Pelayo si Mayor Danao dahil sa kawalan umano ng linaw kung anti o pro ba ang alkalde sa usaping coal.
“Joel Pelayo kung si mayor ang sinasabi mo na hindi mo kasama dati, eh alam mo naman na noong lumalaban tayo sa coal lahat ng support nakukuha natin sa munisipyo! Lahat ng papirmahan kay mayor pumipirma naman siya! Lahat ng request pumapayag siya,” ani Lim.
“So ngayon nakadikit na kayo kay Ferrer eh ‘yan ang isa sa mga utak ng coal plant na ayaw na ayaw niyo. Mas pinipili mo si Ferrer kasi pinagbibigyan kayo kahit na ‘yung bagay na pinaglalaban niyo eh’ yun ang matindi niyang sinusulong,” dagdag nito.
Dumepensa naman si Ferrer at sinagot si Lim na mayroon naman umanong kanya-kanyang paniniwala ang bawat isa at hindi imposible na maging magkaibigan ang dating magkaiba ang ipinaglalaban.
“Maam Ivy wag naman pong ganoon, wala na bang karapatan na maging magkaibigan ang dating nagbabangayan sa ibang ipinaglalaban? Nagkataon lang na anti kayo at ako naging pro pero hindi sa personal na magkakalaban kami. May kanya kanyang paniniwala lang,” ani Ferrer.
Pinaalalahan pa ng naturang SB member si Lim na lumagay sa tama dahil katulad niya ay empleyado rin ito ng munisipyo.
“At walang pabor na ibinibigay ako sa kanila. Huwag naman pong ganoon, propesyonal ka po at empleyado ng munisipyo. Ilagay po natin sa tama lang Maam. Dahan dahan po sa pagsasalita lang Maam,” ani Ferrer.
Mababasa rin sa thread na ito na sinabihan ni Lim na namudmod ng pera si Ferrer noong panahon ng kasagsagan ng COVID-19, sinabi rin nito sa ex-officio member ng bayan na huwag na umano itong makisawsaw kung saan ito ay ibinalik sa kanya ni Ferrer at sinabing siya ang nakisawsaw sa usapan nila tungkol sa halaman at paso.
“Ivy Ann Lim eh ikaw nakikisaw-saw sa mga convo namin, bakit nabanggit ba pangalan ni mayor dito at pangalan mo? Ikaw binanggit mo apelyido ko,” ani Ferrer.
“Aba mukang iba na dating niyo, sino kayo para pigilin ang tao na mag komentaryo sa sarili naming pag-uusap. Aba. Nasobrahan na yata kayo ng power Miss Ivy Lim. Who you?” dagdag ni Ferrer.
Sa huli ay tinawag ni Lim na isang tanga si Ferrer dahil hindi raw umano nito maintindihan ang nais niyang sabihin.
“Ferrer Ernesto tanga mo! Barter usapan dito? Comment ni Joel ang kinomentan ko hindi ‘yang barter mo,” ani Lim.
Matatandaang ang dalawa ay nagpasaringan din sa social media noong panahon ng mainit na usapin tungkol sa pagpapatayo ng 15MW-Coal Fired Power Plant sa Barangay Bato-Bato kung saan kapitan si Ferrer.
Sa panayam naman ng Palawan Daily kay Ferrer ngayong araw, sinabi nito na idudulog niya sa abugado ang inasal ni Lim at titingnan umano ng kanyang kampo kung ano ang marapat na solusyon sa kawalan ni Lim ng respeto sa isang public official.
Sinabi rin nito na kanilang pag-uusapan ito sa susunod na mga session ng SB. Iginiit din ni Ferrer na hindi tama na tawagin siyang isang tanga ni Lim sapagkat isa siya sa mga pumipirma at bumabalangkas ng mga ordinansa at resolusyon upang magkaroon ng pasahod ang mga empleyado sa munisipyo kagaya ni Lim.
“‘Yung sinabihan niyang tanga isa sa pumirma para magkaroon siya ng sweldo. Ngayon kung tanga ako paano siya naka-suweldo sa munisipyo?” ani Ferrer.
Sa panig naman ni Lim, nang ito ay tawagan ng Palawan Daily ngayong araw, sinabi nito na kaya lamang umano siya ganoon sumagot ay dahil sa nauna raw umanong bumalagbag ng sagot si Ferrer. Sinabi rin nito na hindi niya na umano matandaan kung bakit niya nasabihan ng tanga si Ferrer.
“‘Yung tanga, basahin ko po muna kung bakit ko siya nasabihan ng ganoon. Basta ang naalala ko, sinabihan niya ako na’ yung utak ko puro coal kaya ang sinagot ko sa kanya na ‘yung utak niya puro abo. So yung tanga hindi ko, hindi ko maalala kung saan part ko’ yun nasabi, “ani Lim.
Sinabi rin nito na handa umano siyang humarap kung sakali namang kasuhan siya ng nasabing opisyal.
Matatandaan na noong Abril, sa bisa ng isang resolusyon ay idineklara ng SB na isang ‘persona non grata’, ang noo’y apppointed Municipal Administrator ni Danao na si Dionyseus Santos dahil umano sa mga “kawalan” nito ng sabstansiyal na ebidensiya sa mga paratang sa mga miyembro ng SB kaugnay sa isyu ng face mask sa nasabing munisipyo.
Nang tanungin ng Palawan Daily si Lim kung handa ito kung sakaling mangyaring ideklara rin siyang persona non grata ng SB ay matapang naman itong sumagot.
“Persona non grata? Subukan niya lang dahil babalikan ko rin siya. Huwag niyang i-abuse ‘yung power niya sa SB. Pinanganak ako dito sa Narra, dito ako lumaki. Sige subukan niya. Sabihin mo sa kanya,” ani Lim.
“Dapat mas mataas ang posisyon niya sakin dito sa munisipyo na mas karespe-respeto siya kesa sakin dapat eh balagbag sagot niya eh di binalagbag ko rin siya,” dagdag nito.
Discussion about this post