Hindi parin ibinabalik ng pamunuan ng Iwahig Prisons and Penal Farm ang dalaw o visitation rights para sa Persons Deprived of Liberty o PDLs sa tinaguriang “Rehas na Walang Bakal”.
Ayon kay Corrections Superintendent Raul Levita, wala pang eksaktong petsa kung kailan ito maibabalik dahil wala pa naman silang natatanggap na kautusan mula sa kanilang national headquarters.
Kahit nga anya silang mga empleyado ay sa loob na mismo ng IPPF pansamantalang nakatira upang malimitahan lamang ang kanilang galaw at pinupuntahan sa layuning maiwasang makapasok ang virus sa Iwahig.
“Hindi parin po pwede ang dalaw hanggat mayroon tayong kaso ng COVID dito sa Palawan dahil ang pinangangalagaan natin dito ay hindi lang kaming mga empleyado pero lalo na po ‘yong mga PDL natin. ‘Yong staff nga namin ay nakakalabas lang po sila ng reservation once a week at kapag importante lang,” ani Levita.
Sinabi pa ni Levita na maging ang Balsahan River na marami ang nagtatanong kung kailan pwedeng buksan sa publiko ay hindi parin anya nila masabi kung kailan pwedeng tumanggap ng mga nais mag outing.
Paliwanag nito, mas mabuti na ang ganito dahil tiyak na malalabag ang panuntunan sa mass gathering at social distancing kung bubuksan nila ang ilog ng Balsahan.
“Alam po namin na marami na ang naka-miss sa Balsahan pero pasensya na po muna dahil hindi pa namin maaaring buksan sa publiko. Kahit nga po media ay hindi namin mapayagang makapasok dito dahil nag-iingat lang po tayo,” dagdag nito.
Samantala, ipinagpapasalamat naman ni Levita na positibo ang resulta hanggang sa ngayon ng preventive measures at paglaban nila sa COVID-19 dahil wala kahit isang empleyado o PDL sa kanilang pasilidad ang kinakitaan ng sintomas ng nasabing sakit.
Discussion about this post