Sa pamamagitan ng social media, kinalampag ng isang netizen ang mga kinauukulan na aksyunan ang kalunos-lunos na sitwasyon ng isang kalsada sa Sitio Apurawan, Brgy. Tumarbong, Roxas, Palawan.
“Tingnan po natin anq kalsada–‘di lang po maliliit na sasakyan ang nahihirapan, pati rin po malalaking sasakyan. Pahirap din po ito sa mga magulang na pumupunta pa ng Tumarbong (Sentro) para kumuha ng module ng kani-kanilang mga anak,” sabi ni John Mark Nablea Panes sa ipinaskil niyang mga larawan kamakailan.
Ibinahagi rin ni Panes sa Palawan Daily ang isang larawan ng mga guro ng Tumarbong National High School na hirap sa pagdaan sa nasabing kalsada at nabaon pa ang sinakyang motor sa maputik na kalsada.
“Tuwing panahon po ‘yan ng tag-ulan, ganyan po talaga. Nangyayari ‘yan, pero po halos mag-iisang buwan na po ‘yan na ganyan ang sitwasyon,” aniya.
Ayon pa sa nasabing kabataan, kapag hindi naaksyunan ang nabanggit na kalsada, hanggat maulan ay mananatiling ganoon ang sitwasyon ng daan.
“Taun-taon, kapag rainy season, ganyan po ‘yong nagiging kalagayan ng kalsada na ‘yan,” dagdag niya.
Discussion about this post