Patay ang tatlo sa 12 sakay ng truck matapos itong mawalan ng preno sa National Highway ng Bgy. Pancol, Taytay, Palawan nitong araw ng biyernes, ika-21 ng Setyembre 2018, ala una ng hapon.
Nakilala ang mga biktima na si Sergio Maceda Sr., Mercy Mangulabnan at isang 7 taong gulang na bata. Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na galing El nido papuntang Roxas ang truck nang mawalan ito ng preno habang binabagtas nito ang nasabing lugar. Dahil sa mabilis na patakbo ng truck, nawalan ng kontrol ang driver nito at sumalpok ang sasakyan sa gilid ng bundok. Dahil dito, tumilapon palabas ang driver na si Joselito Pacho at ang kasamahan nito na si Sergio Maceda Sr. Humiwalay din ang gulong sa harap at likurang bahagi ng truck dahil sa tindi ng insidente.
Agad na binawian ng buhay sila Mercy Mangublan at ang bata.
Naisugod pa sa ospital si Sergio Maceda Sr. ngunit agad ding binawian ito ng buhay. Nagtamo naman ng matinding pinsala ang driver ng truck at iba pang sakay nito na patuloy pa ring ginagamot sa ospital.
Samantala, sa bayan naman ng Roxas, isa rin ang namatay sa aksidente sa kalsada matapos na tumaob ang isang mini dump truck nitong Setyembre 22, 2018. Ayon kay Police Senior Inspector (PSI) Ric Ramos, diumano’y nakainom ng alak ang labing tatlong sakay ng dump truck. Nawalan ng kontrol sa manebela ang driver nitong si Tristan Alcala at nagtuloy tuloy ito sa malalim na bahagi ng kalsada.
“Yung sa bayan naman ng Roxas, dahil sa kalasingan ng driver kaya nawalan ito ng kontrol sa sasakyan. Lahat sila ay talagang sugatan,” saad ni Ramos.
Dahil sa may kalaliman ang lugar kung saan nahulog ang truck ay inabot pa ng halos tatlong oras bago pa nakuha ang ibang sakay ng truck at dinala sa pinakamalapit na pagamutan ngunit tuluyan ng binawian ng buhay si Roquito Giemo, isa sa mga sakay ng truck.
Matapos ang insidente, tumakas naman ang driver na si Alcala papuntang lungsod ng Puerto Princesa na mahaharap sa patong patong na kasong ito.
Discussion about this post