Inisa-isa ni Thess Rodriguez ng Puerto Princesa City Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang mga dapat gawin ng mga negosyanteng nais mag-renew ng kanilang business permit.
“Yung proseso natin sa online ay nagbigay tayo ng email add na tatlo para ma-access direct ng ating mga kababayan mula sa kanilang mga tahanan yung ating tanggapan. Sa pamamagitan noon ay puwede sila makipag-usap at mag-e-mail doon sa ating Online Officer na they want to avail online application. And then they could send ‘yun by attachment of document. Ngayon i-che-check ‘yan ng makakatanggap ng kanilang email ‘yong kanilang records,” ani Rodriguez.
Nilinaw ni Rodriguez na kapag kabilang ang mga ito sa negosyong may Red Flag at nasa Negative list ay kailangan muna itong ayusin sa mismong opisina ng BPLO sa City Hall.
“[Yung Negative List] ’yun yung mga non-compliant doon sa post-requirement. Yung red flag naman kailangan nilang magbayad muna over the counter doon sa Treasurer’s Office nung kanilang violations. And then after, pwede narin sila mag-apply dito face-to-face,” pahayag ni Rodriguez.
Kung sakali naman aniya na walang problema ay mabilis na lamang ang proseso sa kanilang pag-renew.
“Kung wala ka namang problema, meaning ikaw ay compliant, so ipapadala mo ang Mayor’s permit doon and yung letter na intention na mag-avail online and then hintayin mo na lang [ang] assessment. Ipapa-assess kaagad dito sa Business Tax Division. And then kapag nakuha na namin ang assessment [ay] ipapadala namin doon sa e-mail na ginamit nila. And doon malalaman na nila kung ilan ang babayaran…,” dagdag pa nito.
Samantala, ibinahagi rin ni Rodriguez ang iba pang paraan sa pagbabayad kapag tapos na ang assessment at naipadala na ito sa email ng aplikante.
“Puwede na sila magbayad direkta dito sa cashier o di kaya kung may GCash [o] may iAccess sila sa Land Bank [ay] puwede na sila magbayad online. Picturan lang nila ang kanilang receipt…[at] ipadala nila kaagad para pwede na namin silang ma-printan ng Mayor’s Permit,” karagdagang pahayag nito.
Ayon pa kay Rodriguez, matagal na nilang ninanais na maisagawa online ang pag-renew ng Mayor’s permit, napabilis ito ngayong taon dahil na rin sa banta ng COVID-19 pandemic.
Discussion about this post