Nananawagan ngayon ang Punong Barangay ng Brgy. Bagong Pag-asa, isa sa mga barangay na may hurisdiskyon sa Puerto Princesa Baywalk Park, na huwag pagbentahan ng alak ang mga menor de edad.
“Ang sa akin lang, sana po sa lahat ng mga stall owners, sana po ay tingnan po natin ‘yong ating mga customer na ating pinaiinom na hindi po natin dapat pinapayagan ‘yong mga minor dahil po sa batas, iyan po ay bawal na bawal,” pahayag ni Kapitan Leny Rose Nicholas kaugnay ng naganap na pananaksak sa Baywalk kamakailan na ang biktima at mga suspek ay mga menor de edad na nasa loob ng isang painuman.
Nanindigan naman ang Kapitan na walang pagkukulang nag kanilang barangay sa nangyaring krimen sa Baywalk noong January 2. Patuloy umano silang nagpapatupad ng mga hakbang para sa peace and order at tiniyak na nananatiling mapayapa ang kanilang barangay.
“Naandiyan po ang ating mga tanod, ‘yong ating mga duty na mga kagawad, umiikot sa ating barangay ‘pag hatinggabi kaya lang nangyari po ‘yon, although hindi po namin ‘yon mga kabarangay, mga minor po ‘yon na dumadayo rito sa barangay para mag-inom sa ating mga stall diyan sa Baywalk. ‘Yon po ay hindi lahat ay aming mababantayan,” aniya.
Wala rin umanong kailangang baguhin sa kanilang pagbabantay sa kanilang nasasakupan at sa Baywalk.
“Pagdating naman po riyan sa ating Baywalk, ‘yan po kasi ay under na sa Baywalk Management [Office] pero ang pagpapatupad po ng peace and order, ang amin po, ang patuloy po naming ginagawa ay mabantayan ‘yong mga minor na palakad-lakad po rito sa aming barangay, amin pong sinisita at ‘yong ating mga tanod ay hindi nagpapabaya o tumitigil sa pag-iikot gabi-gabi para po sa aming mga kabarangay,” ani Kapt. Nicholas.
Para naman sa 19 na taong gulang na si Jerico Oriel, isang kabataang residente ng Brgy. Bagong Pag-asa, nalulungkot siya sa naganap na krimen lalo pa’t mga kapwa kabataan ang sangkot sa krimen.
“Bilang [isang] kabataan, nakasisira po ng reputasyon namin ‘yon [naganap] kasi sa ganoong edad pa lamang po nila, nagagawa na nila ‘yong ganoong gawain,” ani Oriel.
Malaki man daw ang pinagbago ng Baywalk kumpara sa mga nakalipas na mga taon, malaking bahagi nito ay dahil sa pandemya. Nang tanungin kung may pagkukulang ang barangay,
“Sa peace and order po, wala naman po akong masasabi kasi po, lagi naman pong on duty ‘yong mga tanod namin dito. Hindi naman po nila pinababayaan ‘yong mga kabarangay nila pagdating sa ganoong mga bagay.”
Nakita rin umano niyang ipinatutupad ng mahigpit ang curfew sa kanilang lugar. Pagpatak ng 10pm ay kailangang nasa bahay na ang lahat ng mga menor de edad, alinsunod sa ipinatutupad na ordinansa ukol sa curfew ng Lungsod ng Puerto Princesa na ilang taon na ring ipinatutupad.
ISOLATED CASE?
Sa hiwalay namang panayam kay Baywalk Management Office Program Manager Joseph Carpio, naniniwala itong isolated case ang nangyari.
“Ang alam ko, may isang establisyimento roon na nag-cater sa kanila which is supposedly, dapat ay inalam muna ang sitwasyon [ukol sa edad nila]. Ang alam ko, may problema sa aspetong gano’ kaya pinapaalalahanan sila na dapat hindi sila nagsi-serve ng kahit na ano [alak] sa mga menor de edad. Naiintindihan natin na naghahanap-buhay sila pero may responsibilidad sila na dapat hindi dapat pagsilbihan ng nakalalasing na inumin [ang mga minor],” wika pa ni Carpio.
Binanggit pa niyang may pananagutan ang establisiyemento na pinangyarihan ng krimen. Nagbabala rin ito sa mga hindi susunod sa kasunduan na kalakip sa pagrerenta nila ng espasyo sa Baywalk area.
“Yong panuntunan ng Management, ay pwede nating bawiin ang pwesto sa kanila dahil kasama ‘yan sa kasunduan na dapat ay naayon sa batas ang kanilang paghahanap-buhay,” aniya.
NASAAN ANG TOURIST POLICE?
Kaugnay naman sa tungkulin ng Baywalk Management Office para maiwasan ang kahalintulad na insidente, ipinaliwanag ni Carpio na pito lamang ang mga tauhan ng kanyang tanggapan kaya nakikipag-ugnayan sila sa dalawang barangay na nakakasakop sa Baywalk pagdating sa kaayusan at katahimikan sa lugar.
“Maliban doon, may presensiya naman ng pulisya roon, ang hiling lang natin, tutal naroon na rin [sila] sa Baywalk, ‘wag naman sana sa istasyon lang sila [manatili, sa halip ay mag-roving din sila roon]. Ang Anti-crime Task Force ay nandiyan naman lagi nakaalalay sa Baywalk Management; makikita mo sila riyan gabi-gabi, hindi kailangang sabihan, lalo na sa oras na kasagsagan ng dami ng mga tao kaya lang napakalaki ng Puerto Princesa para doon lang sila magtambay,” paliwanag niya.
Ayon pa sa Program Manager ng Baywalk, hindi nagpapabaya ang pamahalaan pagdating sa seguridad ng lungsod dahil kagaya sa Baywalk, dinagdagan umano ang mga ilaw kaya maliwanag na roon at may mga COVID-19 Marshalls din na naka-deploy sa area.
Paaalaala naman ni Carpio sa mga magulang na bantayan at gabayan ng maigi ang kanilang mga anak. Tandaan umano na may banta pa rin ng COVID-19 kaya kung hindi naman kailangan ay huwag nang lumabas ng kanilang tahanan ang mgha kabataan. Ito umano ay para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Discussion about this post