Tuloy pa rin ang Market Day sa palengke ng bayan ng Aborlan, Palawan tuwing araw ng Linggo. Ito ay sa kabila ng insidente kung saan isang residente ng Aborlan ang nagpositibo sa COVID-19 at natukoy na isa ito sa mga na-contact trace kaugnay ng local transmission ng COVID-19 sa Puerto Princesa.
Ayon Mayor Celsa Adier, tuloy pa rin ang Tabuan o Market Day sa kanilang munisipyo at nagpapasalamat pa umano ito sa kanyang mga nasasakupan dahil sumusunod naman umano ang mga ito.
“So inobserbahan ko nung Sunday [Pebrero 21,2021] kunwari namimili din ako para makita ko on how they manage their self and at the same time yung mga tindera. Sabi ko wag kayo [mamimili] bumili sa tindera na walang face mask ah? Wag kayo bumili sabi ko. Anyway, napakasunurin naman ng mga taga Aborlan wala ako nakitang suwail.”
Dagdag pa ng Alkalde, kaya umano nila pinahintulutan ang pagtitinda ay para may kikitain pa rin ang kanyang mga kababayan.
“Kasi pag i-control ko yung mga mamimili wala ng kikitain ang mga tao kawawa naman siyempre gusto natin tulungan sila sa pagkakataon na magtinda sila kung ano ang produkto nila.”
Ayon pa rito, hindi na umano nila hinigpitan ang Palangke ng Aborlan basta sumunod lamang sa ipinatutupad na health and safety protocols.
“Kontrol namin ang mga taga-barangay na namamalengke. Alam naman nila ang mga distancing, use of facesmask alam nila and at the same time maganda ang daloy namin.”
Para naman kay Rose Libona, suki na umano siya tuwing Market Day sa bayan ng Aborlan, wala umano siya nakikitang problema dahil nakakatulong ito sa mga nagtitinda na apektado dahil sa nararanasang pandemya.
“Sa’kin walang problema, basta sumunod lang kung ano ang ipinapatupad ng mga namamahala. At siyempre may kikitain ang mga nagtitinda kasi sa totoo lang hirap ngayon kumita dahil dito sa COVID na ito pahirapan talaga kaya kailangan doble kayod.”
Samantala, wala umanong nakikitang problema sa ngayon ang Munisipyo ng Aborlan para pansamantalang ipagpaliban ang Market Day tuwing araw ng Linggo sa pamilihang bayan, dahil sinusunod naman ng mga residente nito ang kanilang mga paalala patungkol sa ipinapatupad na health and safety protocols upang maiwasan pagkahawa sa sakit na COVID-19.
Discussion about this post