Inanunsyo ni Dr Dean Palanca, Assistant City Health Officer (CHO) at Puerto Princesa Incident Management Team (IMT), na inaasahang tataas ang kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa mga susunod na araw. Ito ay matapos dumating ang mga RT-PCR cartridges nitong Biyernes, Abril 9, 2021, at isasailalim ang mga Antigen positive na mga indibidwal simula ngayong araw, Abril 11, 2021.
“Ngayon, kaya mababa po ang ating confirmed active cases ay, alam naman po ng ating community, hindi tayo makapag-swab [test o RT-PCR test] dahil wala tayong GenXpert cartridges. Dumating na po ito kahapon at simula bukas [Abril 11, 2021] ay magsa-swab na po kami.”
Noong Marso 24, ibinahagi ni Dr Palanca na nagkakaroon na ng kakulangan sa mga Real-Time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) na ginagamit upang makumpirmang positibo ang isang indibdiwal sa COVID-19. Ito ay ginagamit din bilang confirmatory test sa mga reaktibo sa Antigen Test.
Dagdag pa ni Dr Palanca na mahigit 100 katao ang isasailalim nila sa confirmatory test at ang prayoridad sa ngayon ay mga nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.
“Nasa 20 plus ‘yung aming ite-test for swab o RT-PCR swab. Unti-untiin po namin itong napakaraming, more than 100, na dapat i-swab po right now po. Kaya expect po ng ating community na tataas po ito almost every other day. Tataas po ‘yung mga cases po natin as confirmed RT-PCR active cases. Karamihan po rito lalong lalo na ‘yung symptomatic o may symptoms na mga sakit ‘no ang ating priority at ‘yun ‘yung ating ipapa-test po.”
Ngayon ay nasa 245 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa. 7 rito ay aktibong kaso, 231 recoveries at 7 binawian ng buhay.
Base din sa talaan ng IMT, 116 ang positibo sa Rapid Antigen Test habang 8 naman sa Saliva RT-PCR test.
Discussion about this post