Hinihiling ni Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan na ikonsidera ang muling pagbibigay ng prangkisa para sa operasyon ng mga de-gasolinang tricycle sa bayan ng San Vicente. Ito ay bilang tugon sa panagawan ng San Vicente, Palawan TODA at ng iilan pang nagmamaneho ng tricycle na muli silang pagbigyan na mamasada upang magkaroon ng dagdag-kita at kabuhayan.
Sa liham ipinadala ni Mayor Alvarez sa Council, nais ng Alkalde na amyendahan ang Ordinance No. 03, Series of 2018 upang magbigay daan sa lehitimong operasyon ng mga ito bilang Public Utility Vehicles (PUVs) sa bayan ng San Vicente.
“Wala namang ibang hiling ang mga tricycle driver na ito kung hindi ang magkaroon ng pagkakakitaan. Gusto lang din natin silang matulungan lalo at hindi pa tiyak kung kailan matatapos ang pandemya,” pahayag ni Mayor Alvarez.
Matatandaan na noong taong 2018 ay inaprubahan ang naturang ordinansa na nagbabawal sa mga passenger tricycles (PASTs) at top-down tricycles (TDTs) na tumanggap ng mga pasahero, sa halip ay pinahihintulutan lamang ang mga ito bilang “family service” at sasakyan sa pag-biyahe ng mga cargo at alagang hayop.
Ang naturang ordinansa rin ang nagpapahintulot naman sa operasyon ng electric-tricycles (E-Trikes) bilang mga PUVs sa munisipyo.
Taong 2019 nang mapagkalooban ang San Vicente ng 50 units ng E-Trikes mula sa Department of Energy (DOE) bilang bahagi ng proyektong “Market Transformation through Introduction of Energy-Efficient Electric Vehicles.” Kasabay nito ang pagkawala ng kabuhayan at pagkakakitaan ng mga nagmamaneho ng de-gasolinang tricycle na walang kakayanan na magkaroon ng e-trikes sa pamamagitan ng rent-to-own scheme ng Pamahalaang Bayan.
Mayroong tinatayang mahigit sa 100 bilang ng mga tricycle drivers ang apektado ng pagpapatupad ng naturang ordinansa. Hindi pa kabilang rito ang mga pumapasadang tricycle sa Barangay Port Barton at iba pang karatig barangay.
Kaugnay nito, hinihikayat din niya ang mga tricycle driver na magparehistro sa Municipal Public Safety and Enforcement Program (MPSEP) ng Pamahalaang Bayan alinsunod sa ordinansa.
Inihayag din ng Alkalde na inatasan na niya ang Municipal Cooperative Development Office na tulungan ang mga tricycle driver na bumuo ng kooperatiba na magsusuplay ng mga murang kagamitan para sa kanilang mga sasakyan.
Discussion about this post