Sinang-ayunan ng pamunuan ng Philippine National Police ang panukala ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na ipataw ang death penalty sa mga bigtime drug offenders sa bansa.
Matatandaan na muling isinusulong ng senador ang naturang panukala, dulot na rin ng magakakasunod na insidente at kasong may kinalaman sa droga, na kung saan umano’y kinasasangkutan ng malalaking grupo at indibidwal.
Ang pagsang-ayon ay bilang bahagi na rin nang pinaigting na anti-illegal drug operation ng Philippine National Police sa pamumuno ni OIC PNP Chief Lieutenant General Vicente Danao, Jr.
Sinabi ni Danao na ang panukala ay napapanahon at karapat-dapat na ipataw sa mga mahuhulihan ng bulto o sobrang dami ng iligal na droga.
Bukod dito, ikinatuwa din ng pinuno ng PNP ang plano ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. na ipagtatanggol nito ang mga pulis na makararanas ng harassment o yaong kakasuhan ang sinuman na walang basehan sa mga tao na kanilang mahuhuling sangkot sa iligal na aktibidad.
Kasabay ng pahayag, binigyang katiyakan naman ng OIC PNP Chief Lieutenant General Vicente Danao, Jr. sa Punong Ehekutibo Ferdinand Marcos, Jr., na walang puknat ang kampanya ng Pambansang Pulisya laban sa iligal na droga sa bansa.
Discussion about this post