Tatlo ang dinala sa pagamutan pagkatapos magtamo ng minor injuries dahil sa banggaan ng Isuzu Court Van ng Bureau of Corrections at isang pampasaherong van na Toyota Hi-Ace sa South National Highway papuntang Barangay Montible, lungsod ng Puerto Princesa, pasado 5:45 PM kahapon, Miyerkules, ika-27 ng Hulyo.
Kinilala ang drayber ng van na si Jose Glory Mar Vagos Talingdan, 52-anyos, residente ng Abad Santos Street, Barangay Maunlad, habang ang drayber naman ng BuCor ay kinilalang si Dave Gabayeron Padugo, 35-anyos, isang BuCor personnel na residente ng Inagawan Sub, IPPF, Barangay Inagawan.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, palabas na sana ng kanto ng Montible ang van papunta ng bayan habang ang sasakyan naman ng Bucor ay biyaheng sur.
Dagdag pa nito, pumasok sa kabilang linya ng kalsada ang pampasaherong van dahilan upang sumalpok ito sa sasakyan ng BuCor.
Sinubukan pa umanong umiwas ng drayber ng BuCor sa kasalpukan nitong van, ngunit hindi na nito nagawa dahil sa bilis ng pangyayari.
Samantala, kapwang ligtas ang drayber ng dalawang sasakyan at isang lulan ng van at patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring aksidente.
Discussion about this post