Isinusulong ni City Councilor Jimmy Carbonell ang pagsasagawa ng license to own and possess firearm o LTOPF caravan sa lungsod ng Puerto Princesa.
Napag-alaman na nitong nakalipas na buwan matagumpay na naisakatuparan ang kahalintulad na aktibidad sa bayan ng Bataraza sa pamamagitan ng naging kahilingan ng lokal na pamahalaan nito sa pamumuno ni Mayor Abraham Ibba.
Ang LTOPF caravan ay naisagawa sa lungsod ng Puerto Princesa mahigit sa dalawang taon na ang nakalilipas bago pa man maging laganap ang pandemya.
Sa pamamagitan ng kanyang ipinasang resolusyon, ito ay mariing humihiling sa PNP Regional Office sa MIMAROPA na magsagawa ng LTOPF caravan upang ang mga nagmamay-ari ng baril ay may legal na dokumentong panghahawakan at hindi malagay sa alanganin sa anumang oras lalo na kung sakaling ito ay gagamiting pandepensa sa mga pribadong pag-aari.
“Napaka-importante pag ikaw ay responsibleng gunholder. Kailangan rehistrado at completely registered dahil otherwise kapag dinala niyo yan sa labas ay maari kayong makasuhan ng illegal possession of firearms,” ang pagbibigay diin pa ng konsehal na malaon ding naging Chief of Police sa lungsod ng Puerto Princesa bago pa man niya pasukin ang mundo ng pulitika.
Discussion about this post