Inaasahang lalo pang mapapalawig ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa at ng mga mamamahayag upang maipaabot sa mga komunidad ang tama at dapat na impormasyon sa pamamagitan ng inilatag na strategic communication plans kahapon ng mga nagsipagdalo sa dalawang araw na planning workshop ng United States Agency for International Development (USAID) at Enhanced Governance and Engagement (ENGAGE) Project sa Aziza Hotel, lungsod ng Puerto Princesa.
Napagtalakayan ang mga mas epektibong pamamaraan upang ang bawat impormasyon at balita na mula sa gobyernong lokal ay malaman ng mga residente ng lungsod.
Sa simpleng pagtatapos ng programa, ipinahayag ni City Information Office (CIO) Richard Ligad na nasa proseso na ng pagsasakatuparan ang ilang mga aktibidad katuwang ang media para mapag-alaman ng taumbayan ang mga ginagawang programa, proyekto at iba pa ng lokal na pamahalaan.
Ilan sa nahabi sa strategic communication plan na hindi magtatagal ay mapapasimulan na ay ang regular na press conference tampok ang mga napapanahong departamento batay sa balita patungkol sa kanilang opisina na dapat malaman, ang pagkakaroon ng mga samahan kasama ang media, pagbisita sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan upang aktuwal na makita at maibalita ito ng mga mamamahayag at iba pa.
Ayon kay Ligad, “Kasalukuyan nang isinasaayos ang ilang mga nararapat na isagawang aktibidad, para direktang malaman ng mga taga Puerto Princesa ang mga pagkilos at paggalaw ng mga opisyal ng ating pamahalaan, kasama na ang mga opisina na nagtatrabaho, para sa kominidad.”
Sang-ayon naman si City Governance Coordinator ng USAID CHANGE Project na si Gemma C. Borreros. Anya, posibleng magkaroon ng ilan pang kahalintulad na workshop upang ganap na mailapat ang mga naunang naipasang plano tungo sa mas malinaw at epektibong pagbibigay impormasyon.
Discussion about this post