Matagumpay na idinaos ang 3rd Legends Ride 2023 sa Puerto Princesa noong Nobyembre 18, kung saan humigit-kumulang 200 lokal at bisitang riders ang lumahok sa aktibidad na parte ng Subaraw Biodiversity Festival 2023.
Kinabibilangan ito ng iba’t-ibang grupo tulad ng Tamilok Motorcycle Group, Big Bikes, Palawan Street Monkeys, Himass Motorcycle Group/Hijos, at United Sports Bike of Palawan (USP). Nilahokan din ito ng ibang grupo mula sa Iloilo at maging sa ibang parte ng Luzon at Mindanao.
Nagsimula ang ruta sa Caltex Junction 3 at tumungo sa West coast ng lungsod sa Napsan na dumaan sa Villa Francesca Resort sa Simpocan upang mananghalian sa Tala Beach Resort bago tuloyang baybayin ang huling ruta patungong Tennis Covered Court ng Ramon V. Mitra Sports Complex sa Balayong People’s Park.
Sa fellowship dinner sa Tennis Covered Court, binati ni Mayor Lucilo R. Bayron ang mga organizer, riders, bisita, at sponsors sa matagumpay na Legends Ride 2023. Nagpasalamat siya sa pagdadala ng Legends Ride at inanyayahan ang lahat na bumisita ulit sa Puerto Princesa City.
Nagpahayag din ng kasiyahan ang Pangulo ng National Federation of Motorcycle na si Jun Diagono sa matagumpay na pagdaraos ng Legends Ride 2023. Inimbitahan naman nito ang lahat na dumalo sa National Motorcycle Convention na gaganapin sa Subic Bay Convention Center sa Abril 26-27, 2024.
Sa awarding, kinilala si Blu Andre Rausa bilang pinakabatang rider (19 years old) at si Bob Del Rosario bilang pinakamatanda (74 years old). Ang Evo Riders Club Philippines ang tinanghal na “Most Organized Group,” samantalang ang Palawan Street Monkeys ang “Biggest Group.” Ipinarating din ang pasasalamat kay Mr. Butch Chase, isang living legend sa mundo ng bike riding.
Discussion about this post