Nakapagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ng kabuuang P30,956,506.58 milyon para sa Local Social Pension ng mga senior citizen sa lalawigan noong taong 2023.
Sa pamamagitan ng programa, umabot sa 9,788 na mga senior citizens ang nakatanggap ng P500.00 kada buwan mula Enero hanggang Disyembre ng nakaraang taon.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Abigail D. Ablaña, ang programa ay patunay ng pagkalinga at pagmamahal ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga nakatatanda. Binigyang-diin niya na ang Local Social Pension para sa mga ito ay isang paraan ng pagpapakita ng paggalang at pagbibigay pugay sa kanilang kontribusyon sa lipunan.
Bukod sa social pension, tatlong centenarian mula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan ang binigyan ng P10,000.00 na regalo, habang may mga nakatakda ring makatanggap ng P2,000.00 bilang birthday gift mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Ang PSWDO at opisina ni Gobernador V Dennis Socrates ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa Provincial Federation of Senior Citizens Association of Palawan at Municipal OSCA Heads upang maiparating ang mga programa ng pamahalaan para sa mga nakatatanda.
Discussion about this post