Kumpirmado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na dalawang (2) dating iskolar ng Hainan Government Scholarship Program sa China ang kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. Ang impormasyong ito ay kinumpirma ng Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Guangzhou, China.
Ang mga nadetine ay kabilang sa Batch 1 at 2 ng scholarship program at nakapagtapos na ng kanilang pag-aaral bago bumalik sa China bilang migranteng manggagawa. Ang programa ng iskolarship ay itinaguyod noong 2017 sa ilalim ng Sisterhood Agreement sa pagitan ng Palawan at Hainan Province upang mabigyan ng libreng edukasyon ang 50 Palaweño sa Hainan Normal University mula 2018 hanggang 2022.
Noong Oktubre 2024, humingi ng tulong ang pamilya ng isa sa mga dating iskolar matapos mawalan ng komunikasyon sa kanilang anak. Agad na nakipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa Konsulado Heneral ng Pilipinas sa Guangzhou, na kinumpirma noong Nobyembre 14, 2024, na ang nasabing indibidwal ay nasa kustodiya ng pulisya. Noong Pebrero 2025, nakatanggap muli ng ulat ang pamahalaang panlalawigan na isa pang dating iskolar ang nadetine.
Tiniyak ng Public National Security Department ng Hainan Province na pinangangalagaan ang mga karapatan ng dalawang Palaweño at na patuloy silang magbibigay ng impormasyon tungkol sa kaso. Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa Konsulado Heneral upang matiyak na natatanggap ng dalawang nadetine ang kaukulang tulong legal.
Sa kabila ng pagiging kaalaman ng pamahalaan sa insidenteng ito mula pa noong Oktubre 2024, pinili nitong panatilihing kumpidensyal ang impormasyon upang maprotektahan ang privacy at seguridad ng mga apektadong indibidwal at kanilang pamilya. Patuloy din nitong binibigyan ng suporta at impormasyon ang mga pamilya ng nadetine.
Pinaalalahanan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang publiko na umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon at umasa lamang sa mga opisyal na pahayag mula sa pamahalaan at mga kinauukulang ahensya.