Isang matataas na opisyal ng Philippine Air Force (PAF) ang kasalukuyang iniimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos siyang ireklamo ng panggagahasa ng dalawang junior officers.
Ayon sa mga ulat mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), isinampa ang reklamo isang araw matapos ang insidente umano ng pang-aabuso, na nangyari matapos ang isang social event noong huling bahagi ng Enero. Agad umanong nagsampa ng reklamo sa piskalya ang mga biktima.
Bunga ng reklamo, agad na inalis sa puwesto ang nasabing opisyal habang isinasagawa ang imbestigasyon. Isang internal probe ng AFP ang nakapagtukoy ng sapat na batayan para ituloy ang proseso laban sa opisyal.
Kinumpirma rin ng PAF na may is pang kaso ng parehong sitwasyon na kasalukuyang iniimbestigahan sa antas ng General Headquarters. Sa ngayon, tapos na ang pre-trial investigation at inaantabayanan na lamang ang pormal na pag-apruba mula sa convening authority para ituloy ito sa general court martial.
Ang general court martial ang pinakamataas na anyo ng military tribunal sa bansa at may kapangyarihang magpataw ng pinakamabibigat na parusa sa mga miyembro ng serbisyo.
Samantala, tiniyak ng AFP na ligtas ang mga nagsampang opisyal sa anumang banta o panggigipit habang nagpapatuloy ang proseso. Pinaiigting din ng militar ang mga hakbang upang mapanatili ang disiplina, propesyonalismo, at integridad sa kanilang hanay.