Isang clean-up drive ang isinagawa ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa noong Sabado, ika-2 ng Pebrero, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Wetlands Day.
Alas singko pa lamang ng umaga ay nagtipon na sa People’s Amphitheater, Mendoza Park ang mga volunteers mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno, non-government agencies, private companies at mga estudyante ng iba’t-ibang paaralan.
Bago pumunta sa iba’t-ibang barangay na lilinisan ay nagkaroon muna ng maikling programa kung saan sa pasimula ng programa ay ipinaliwanag ni Vivian Obligar-Soriano, Senior Ecosystems Management Specialist ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), kung bakit ipinagdiriwang ang World Wetlands Day at kung ano nga ba ang ibig sabihin ng wetland.
“Tuwing ika-2 ng pebrero taon-taon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo ay ipinagdiriwang ang World Wetlands Day bilang paggunita sa anibersaryo ng pagpirma sa Convention on Wetlands of International Importance o Ramsar Convention na ginanap sa Ramsar, Iran noong Pebrero 2, 1971,” paliwanag ni Obligar-Soriano
Ayon pa sa kanya ang ‘wetland’ ay ang matubig na lugar na tinitirhan o pinamumugaran ng mga hayop at mga halaman na nabubuhay lamang sa katubigan.
Ang tema ngayong taon ng World Wetlands Day ay “Wetlands and Climate Change”, layunin nito na mabigyang diin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga wetlands bilang natural na solusyon sa pagbawas sa epekto ng climate change.
Sa talumpati naman ni Mayor Lucilo R. Bayron sinabi niya na ang kalagayan ng kabuuan ng lungsod ng Puerto Princesa ay sumasalamin sa bawat isang naninirahan sa lungsod.
Hinikayat din niya ang mga mamamayan na makiisa sa pagpapanatili ng pamahalaan sa kalinisan at kaayusan ng lungsod.
“Gusto ko lang ipaabot sa inyo na yung paglilinis sa kalsada, yung paghahakot ng mga basura ay trabaho ng pamahalaang lungsod pero hindi lang pamahalaang lungsod lang ang kailangang magtrabaho kailangan na ang mamamayan ay makikiisa sa trabahong ito” aniya.
Dagdag pa ni Mayor Bayron,“Wala pong kinalaman ang pulitika dito ang mahalaga dito ay ang lungsod ng Puerto Princesa ay patuloy na kilalanin hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang parte ng mundo na isang lugar na malinis at ang mga mamamayan ay masinop at nagkakasundo ang bawat isa,”
Ang Puerto Princesa Underground River ay kasama sa pitong itinalagang wetland sa buong Pilipinas na may international significance sa Ramsar Convention.
Discussion about this post