Naniniwala ang mga opisyal ng bayan ng Kalayaan na isa na namang uri ng intimidasyon ang ginawa ng gobyerno ng China matapos patawan ng travel ban sa naturang bansa at sa Hongkong at Macao ang labing-anim (16) na mga opisyal at indibidwal nito noong Pebrero 10.
Ayon kay Municipal Mayor Beltzasar Alindogan, hindi na umano bago ang naturang hakbang ng China at inaasahan na umano nila ito dahil na rin sa mga naitalang insidente nang pangha-harass at pambu-bully sa mga Pilipinong mangingisda at sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea (WPS).
“Yon din po ang aming basa expected na po natin ‘yan dahil noon pa man kahit na ‘yung mga pangyayare dyan sa West Philippine Sea, ‘yung mga harassment at iba pang mga…nila ay ‘yan po ay intimidation talaga at in-expect natin lalo na kung kaya nila magawa na baliktarin ‘yung sitwasyon how much more pa po ito,” pahayag ni Alindogan sa isinagawang press conference nitong Pebrero 11.
Dagdag pa ng alkalde, masakit para sa kanila na makita ang umano’y pangha-harass ng mga barko ng China sa mga tauhan ng PCG na nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas, gayundin sa mga mangingisdang naghahanapbuhay sa Bajo de Masinloc.
“Para sa kanila atake ‘yung pag-declare na persona non grata sa kanila na isang opisyal at mas masakit sa amin na makita natin bilang Pilipino na may nasasaktan sa ating mga coast guard katulad nakaraan at saka ‘yung ating mga mangingisda sa Bajo De Masinloc halos hindi makapangisda — ‘yon ang pinakamasakit.”
Para naman kay Vice Mayor Maurice Philip Alexis Albayda, ang naturang hakbang ng Chinese Embassy sa Manila ay bahagi ng intimidasyon nito laban sa mga opisyal ng Kalayaan dahil na rin umano sa nakikita nito na walang kakayahan ang mga opisyal na tumbasan ang mga estratehiya at makinaryang ginagamit ng China.
“Yes, this is part of intimidation, why? Because we are the easiest targets. Bakit po? Hindi naman po kami mga contractors. Mga payak na mamamayan lamang rin po kami na nagpasya na gustong maglingkod sa aming mga magigiting na mamamayan. We are the easiest target because they know we don’t have machinery to counter their Cambridge analytics, their troll farms.”
Ayon naman kay Sangguniang Bayan Member Francis Polizon, hindi na bago ang ganitong asal ng China at kapansin-pansin ang umano’y pagiging “consistent” nito na mang-bully.
“Sa totoo lang nakaka-believe ‘yung consistency nila eh, ‘yung papaano sila maging bully, ‘yung consistent na bully, ‘yung consistent na mang-harass, consistent sila doon eh. Sobrang nakaka-believe sila doon eh di sila nagbabago.”
“Hindi bago, sa lahat ng form by force pinapakita nila ‘yon na bully talaga sila on a diplomatic na paraan pinapakita talaga nila na bully sila. So, consistent sila doon,” dagdag pa niya.
Giit pa ng mga opisyal, nakatuon lamang ang kanilang mandato sa paglilingkod sa kanilang mga mamamayan at patuloy silang maninindigan na ang nasabing isla ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Anila, pinatunayan lamang ng China ang naging hakbang nito na may umiiral at halal na pamahalaan sa Kalayaan.
Samantala, nilinaw din ng mga opisyal na ang kanilang mga pahayag ay hindi opisyal na posisyon ng pamahalaang nasyunal, kundi personal na reaksyon lamang sa ipinataw na travel ban.












