PUERTO PRINCESA CITY — Nanalo sa Court of Appeals ang City Government ng Puerto Princesa laban sa Areza-Cruz Realty Development Corporation hinggil sa pamamahala ng bus at jeepeney terminal na matatagpuan sa new public market sa Bgy San Jose.
Ito ang masayang ibinalita ni Mayor Lucilo Bayron sa harap ng mga empleyado ng City Government nitong Lunes, Hunyo 25,2018.
“Nanalo tayo sa Court of Appeals, ‘yung kaso natin na binabawi natin ang bus at jeepney terminal,nadesisyunan ng RTC(Regional Trial Court) noon kaya minanage natin, pero di natin na-take over ‘yong buong building kasi nilagyan nila ng mga vendor,eh ayaw ibalik ng Areza, nag-aapeal sila hanggang sa Court of Appeals doon, talo naman sila,” ani Bayron.
Sinabi pa ng alkalde na iti-takeover na ito ng city government at paalisin ang mga vendor dahil pinagkukunan ito ng income ng Areza-Cruz na hindi naman dapat.
Samantala, mariing iginiit naman ng Areza-Cruz Realty Development Corporation na ang desisyon ng CA ay hindi pa final and executory.
“Ito ay hindi pa final and executory kaya aapela pa kami sa Supreme Court,” ani Rose Marie Aniciete, Officer in charge III ng Areza-Cruz Realty Development Corporation.
Sinabi pa nito na pinagpaplanohan rin nilang kumuha ng Temporary Restraining Order sa korte para mapigilan ang posibleng pag-takeover ng city government.
Kauganay nito ay nakikiusap naman ang mga vendors na huwag silang paalisin dahil sa magugutom umano ang kanilang pamilya.
“Ang asawa ko matanda na, ako senior citizen na rin. Nakikiusap na lang kami na huwag na kaming paalisin sa puwesto naming kasi magugutom kami,” sabi ng isang Muslim vendor.
Matatandaang sinabi ni City Legal officer at acting City administrator Atty Arnel Pedrosa na taong 2016 nang naghain ng kaso ang City government para mabawi ang pamamahala sa bus and jeepney terminal sa Areza-Cruz Realty Development Corporation dahil disadvantageous sa lungsod ang pinasok na lease agreement ng dating administrasyon ng Hagedorn.
Discussion about this post