KINILALA ng mga miyembro ng Junta Probinsyal ang ginawang mabilis na aksyon ng Punong-Bayan ng Busuanga laban sa grupong nagtangka umanong sakupin ang ilang lupain sa Yulo King Ranch (YKR).
Sa ipinabatid na impormasyon ni First District Board Member Juan Antonio Alvarez sa kanyang mga kasamahan sa kanilang regular na sesyon kahapon, Nobyembre 12, dakong ika-8:30 umano ng umaga nang nagtangka ang mga miyembro ng Pesante sa Calamian na angkinin ang nasabing lupain.
“Because of the swift action of Mayor Beth Cervantes of Busuanga ay napigilan niya po ‘yung pag-occupy ng mga illegal settler doon po sa said 20,000 hectares of land sa Bayan po ng Busuanga. So, I just want to…make a resolution commending Mayor of Busuanga for a job well done na napigilan niya nga po ‘yung illegal occupation ng mga illegal settlers doon,” pahayag ni BM Alvarez.’
Sa pangunguna ni Presiding Officer, Vice Gov. Dennis Socrates ay agad na sinuspende ang House Rules at inatasan ang Secretariat na gumawa ng kaakibat na resolusyon na layong kilalain si Mayor Elizabeth “Beth” Macmac-Cervantes bunsod ng kanyang mabilis na pagkilos kaugnay sa land-grabbing attempt. Awtor naman ang lahat ng mga board member.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang grupong aktibista na ang sigaw ay ibalik sa mga magsasaka at residente ng Munisipyo ng Busuanga, Palawan ang nasa 40,000 ektaryang lupain na sakop ng Yulo King Ranch.
Matagal na ring ipinaglalaban ng Pesante, isang organisasyon ng mga magsasaka, kung saan may mga miyembro rin sa Calamianes Group of Islands, ang pamamahagi ng lupain sa ilalim ng 1988 Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Discussion about this post