Sinasang-ayunan ng mga manininda at maging karaniwang mamamayang Palaweño ang napabalitang nasyunal na malaki ang posibilidad na mayroong kartel [Ito ay isang pormal na organisasyon ng mga prodyuser at manupakturer na nagkakasundong manipulahin ang mga presyo, pagtitinda at produksiyon] sa sibuyas, batay sa pahayag ng Department of Agriculture.
Pangunahin ngayong balita ang pahayag na naturan ng Department of Agriculture, na labis naming sinang-ayunan ng mga manininda at mamimili.
Sa panayam ng Palawan Daily sa ilang nagtitinda sa talipapa ng Barangay San Miguel, tunay nang ramdam ng lahat ng mga mamamayan sa buong bansa ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na nang halos “mala-gintong” presyo ng sibuyas.
Ayon kay Aling Naty, isang nagkakarinderya hindi gasinong malasa ang isang putahe kapag kulang ng pangunahing rekado lalo na ang sibuyas na nakasanayan na ng lahat.
Ayon kay Aling Naty,” kung gasoline, dahan dahan ang pagtaas at minsan ay may pagbaba ng presyo, pero ang sibuyas parang “ginto” na ang halaga ngayon.
Batay sa pahayag ni Department of Agriculture Assistant Secretary at tumatayong Deputy Spokesperson Rex Estoperez, “hindi malabong may nangyayaring kartel dahil kahit bumaba na ang farm gate price ng sibuyas ay napakataas pa rin ng presyo nito pagdating sa mga pamilihan.”
Kaugnay nito malawakan ang isasagawang imbestigasyon ng kagawaran ukol sa isyu ng kartel kasabay ng patuloy na ginagawang pagbabantay ng ahensya katuwang ang mga sangay nito gayundin ng Bureau of Customs laban sa smuggling ng sibuyas.
Mayroon ding plano ang Kagawaran ng Agrikultura na makipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation para matukoy ang sinumang iligal na nagbebenta ng sibuyas sa mga online platform.
Discussion about this post