Malaki ang paniniwala ni Senador Win Gatchalian na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng agriculture information system, maaari nang hadlangan ang manipulasyon sa presyo ng mga pagkain tulad ng sibuyas na sumipa sa napakataas na presyo sa merkado dahil mapipigilan nito ang anumang artipisyal na kakulangan na posibleng samantalahin ng mga hoarder para kumita sila nang malaki.
Ito ang nilalaman ng isinusulong ni Gatchalian na Senate Bill no. 1374 o ang agriculture information system act, na naglalayong magtatag ng isang AIS na magsisilbing online computer database kung saan nilalagay at iniipon ang lahat ng impormasyon tungkol sa pangangailangan para sa mga agricultural at fisheries commodities at ina-upload kasabay ng datos ng produksyon mula sa mga magsasaka sa bawat barangay.
Sinabi ng senador, “lumalabas na hindi natutukan nang maigi ng Department of Agriculture ang suplay at demand ng sibuyas na kung saan ay umaasa lamang ang kagawaran sa datos na inilalabas ng Philippine Statistics Authority. “
Sinabi ni Gatchalian marapat na may regular na stock balance at price monitoring na ang Department of Agriculture sa lahat ng produktong pang-agrikultura na makakatulong sa polisiya at matatasa nito kung kailan mag-aangkat ng mga produkto nang hindi maaapektuhan ang lokal na produksyon ng mga magsasaka at makakatulong sa mga konsyumer sa pamamagitan ng mas mababang presyo ng pagkain.
Ayon pa Gatchalian “kung alam kung nasaan ang supply, doon na kukuha para sa Kadiwa centers upang maiwasang mabulok ang mga produktong pang-agrikultura at malaman kung saan magbibigay ng suporta para mapalakas ang produksyon.”
Sakaling maisabatas ang Senate Bill 1374, ang sistema ay inaasahang magpapaunlad sa productivity ng mga magsasaka at magbibigay katiyakan ng sapat na suplay ng pagkain sa retail centers.
Ang pagkakaroon ng Agriculture Information System ay makakatulong upang maiwasan pag-angkat ng mga produktong pang-agrikultura na maaaring makaapekto sa competitiveness ng mga magsasaka sa bansa.
Sa pamamagitan ng AIS, lahat ng datos ng sektor ng agrikultura ay ilalagak sa isang database upang mapadali ang mga ugnayan mula sa sakahan patungo sa mga mamimili kabilang ang pandaigdigang pamilihan.
Discussion about this post