Labing tatlo ang kasalukuyang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa kasunod ng anunsyo ng city government ngayong araw, July 1 na nadagdagan ng isa ang bilang ng nagpositibo sa virus.
Ayon kay Dr. Dean Palanca, ang Incident Commander ng lungsod, isang 44 anyos na babaeng Locally Stranded Individual o LSI ang pinakahuling nadagdag sa kanilang listahan. Nakauwi anya ito noong June 28, lulan ng barko ng 2GO Travel mula sa Maynila at una nang naging reactive sa Rapid Diagnostic Test kaya isinailalim sa swab test.
“Siya po ay nasa isolation facility natin para mag-undergo po ng kanyang two weeks po na pagpapagaling. Right now po, isa rin po s’ya sa mga case po natin na asymptomatic at ibig sabihin, walang ubo, walang lagnat at wala pong sintomas po ang female po na ito,” ani Dr. Palanca sa online advisory ng City Information Department.
Samantala, inihayag din ng health official na ang iba namang isinailalim sa swab test na naging close contact ng mga una nang nagpositibo sa COVID-19 ay negatibo naman ang resulta.
Discussion about this post